Diskurso PH

PBBM Pirmado na ang RA 12145: NEDA Gagawing Department of Economy, Planning, and Development


Jaybee C. Angustia • Ipinost noong 2025-04-12 13:20:04
PBBM Pirmado na ang RA 12145: NEDA Gagawing Department of Economy, Planning, and Development
Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong April 10, 2025 ang Republic Act No. 12145 na nagre-reorganize sa National Economic and Development Authority (NEDA) bilang Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev. Isa itong major institutional reform para mas mapalakas ang kakayahan ng gobyerno na makabuo ng long-term at strategic economic planning.
 
Mula NEDA,  Gagawing DEPDev
 
Sa ilalim ng batas na ito, ang DEPDev na ngayon ang pangunahing ahensiyang magfo-formulate at magco-coordinate ng mga polisiya at plano para sa national development. Layunin nitong gawing mas buo at future-ready ang economic planning ng bansa.
 
Kasama rin sa batas ang pagbuo ng Economy and Development Council (ED Council) na papalit sa NEDA Board. Ang council na ito ang mag-a-approve ng mga national development policies at programs na ihahanda ng DEPDev.
 
Mga Mahahalagang Nilalaman ng RA 12145
1. Pagkakatatag ng DEPDev – Gagampanan ng bagong departamento ang mga dating tungkulin ng NEDA pero mas pinalawak na ang mandato at mas pinalakas ang structure para sa coordination ng buong gobyerno.
2. Reconstitution ng NEDA Board – Magiging ED Council na ito, na siyang mag-a-approve ng mga polisiya at programa para sa development ng bansa.
3. Futures Thinking at Scenario Planning – Inaatasan ang DEPDev na magsagawa ng futures thinking, scenario planning, at horizon scanning para mas handa ang gobyerno sa mga pagbabago sa teknolohiya, ekonomiya, at pandaigdigang sitwasyon.
4. Realignment ng mga Attached Agencies – Ililipat sa ilalim ng DEPDev ang mga ahensiyang gaya ng Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Institute for Development Studies (PIDS), at Tariff Commission para sa mas epektibong coordination.
5. Transitory Provisions – Lahat ng assets, liabilities, empleyado, records, at kontrata ng NEDA ay ililipat sa DEPDev para masiguro ang continuity. Mananatili muna ang mga incumbent officials habang wala pang bagong appointments.
6. Planning Call – Kasama sa batas ang tinatawag na “Planning Call,” na isang mekanismo para mas maayos ang coordination ng mga national at local government units sa pagbuo ng mga development plan.
 
 
 
Naipasa ang batas sa pamamagitan ng magkasamang pagkilos ng HRep at Senado. Noong January 14, 2025, inaprubahan ng House ang House Bill No. 11199 na may 178 affirmative votes. Samantala, ipinasa ng Senado ang Senate Bill No. 2878 na may halos kaparehong laman.
 
Nagkaroon ng bicameral conference committee para pag-isahin ang mga bersyon, at naratipikahan ito ng parehong kapulungan noong January 27, 2025. Naipasa sa Malacañang noong March at tuluyang pinirmahan bilang batas sa April.
 
Inaasahan na mas magiging proactive at agile ang national planning gamit ang DEPDev. Gusto ng mga mambabatas na ma-institutionalize ang foresight at data-driven governance para makasabay ang bansa sa global trends at makaiwas sa mga potential crisis.
 
Sa pagtatatag ng DEPDev, mas pinapatatag ang kakayahan ng pamahalaan na magplano para sa mas maunlad, matatag, at handang kinabukasan.

Larawan mula sa NEDA Facebook Page