Diskurso PH

Hindi Lang Biro: Mga Batas na Nag-disqualify kay Ian Sia


Jaybee C. Angustia • Ipinost noong 2025-05-08 18:41:09
Hindi Lang Biro: Mga Batas na Nag-disqualify kay  Ian Sia

Noong Mayo 7, 2025, opisyal na naglabas ng desisyon ang Second Division ng Commission on Elections (COMELEC) na i-disqualify si Christian “Ian” Sia, tumatakbong kongresista sa Pasig, dahil sa kanyang bastos at sexist na biro sa kampanya. Sa isang campaign event, sinabi ni Sia na ang mga single mom na may regla at malungkot ay puwedeng makipag-sex sa kanya isang beses sa isang taon. Sinundan pa ito ng pangbo-body shame sa isang dating staff na babae. Ayon sa COMELEC, hindi ito simpleng biro lamang—lumabag ito sa ilang batas ng Pilipinas na naglalayong protektahan ang dignidad ng tao at ang integridad ng halalan.

Base sa ruling, nilabag ni Sia ang ilang probisyon ng Omnibus Election Code. Sa ilalim ng Section 68, puwedeng ma-disqualify ang sinumang kandidato na gumagawa ng mga akto na sumisira sa malinis, tapat, at makataong eleksyon. Itinuturing ng COMELEC na ang mga biro ni Sia ay hindi naaayon sa moralidad at etikal na pamantayan sa kampanya. Nilabag din niya ang Section 261(e) na nagbabawal sa pananakot o pangha-harass, lalo na sa panahon ng eleksyon—na malinaw na nangyari sa kanyang public shaming ng babaeng staff.

Bukod dito, tinukoy rin ng COMELEC ang paglabag ni Sia sa Safe Spaces Act (RA 11313). Sa Section 3(c) at 3(f), ipinagbabawal ang sexual jokes, bastos na komento, at gender-based harassment sa pampublikong espasyo. Pasok na pasok ang sinabi ni Sia sa mga kategoryang ito. Ayon pa sa Section 11 ng batas, may tungkulin ang mga kandidato at opisyal ng gobyerno na iwasan at itigil ang anumang uri ng gender-based harassment—isang tungkuling hindi niya ginalang.

Kasama rin sa mga nilabag ang Magna Carta of Women (RA 9710). Sa Section 2, malinaw na ipinagbabawal ng estado ang lahat ng uri ng diskriminasyon laban sa kababaihan at dapat igalang ang kanilang dignidad. Ang biro ni Sia tungkol sa single mothers ay malinaw na sexist at mapanira. Sa Section 19 naman, nakasaad na ang lahat ng proseso ng gobyerno, kabilang ang eleksyon, ay dapat walang gender bias—isang bagay na hindi sinunod ni Sia.

Pinalakas pa ng COMELEC ang desisyon gamit ang Civil Code of the Philippines. Sa ilalim ng Article 19, kailangang kumilos ang sinuman nang may katarungan at kabutihang loob; sa Article 20, pananagutin ang sinumang makapananakit gamit ang ilegal na gawa; at sa Article 21, may pananagutan ang sinumang gagawa ng bagay na labag sa moralidad, mabuting asal, at public policy. Ang bastos at mapang-aping mga pahayag ni Sia ay tiningnan bilang taliwas sa moralidad at public decency.

Bagamat may karapatan si Sia na umapela sa COMELEC en banc at sa Korte Suprema, hindi siya puwedeng iproklama kahit manalo, hangga’t hindi pa tapos ang kaso. Humingi siya ng paumanhin “sa mga na-offend” pero iginiit na biro lang ang lahat.

Samantala, masigabong suporta ang ibinigay ng mga women’s rights groups tulad ng Gabriela Women’s Party. Ayon sa kanila, malinaw ang mensahe: walang puwang ang sexism at kabastusan sa sinumang nais magsilbi sa publiko. Ayon sa ilang legal experts, ito ay isang precedent-setting case—ang kauna-unahang disqualification base sa sexist at discriminatory speech lamang.

Ang kaso ni Ian Sia ay patunay na hindi na kinukunsinti ang mga ganitong asal sa pulitika. Sa panahong sanay tayong tinatawanan ang mga bastos na biro ng mga kandidato, malinaw ngayon: may batas na, at ipinatutupad na ito.

 

Larawan mula sa Facebook page ni Ian Sia