Diskurso PH

Boto o Boto-bot? Bagong Makina, Bagong Pag-asa sa Halalan 2025


Jaybee C. Angustia • Ipinost noong 2025-05-12 12:05:17
Boto o Boto-bot? Bagong Makina, Bagong Pag-asa sa Halalan 2025

 Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas, milyon-milyong botante ang magpapasa ng kanilang boto gamit ang bagong automated system na mas mabilis, mas may seguridad, at mas transparent. Higit 90,000 bagong automated counting machines (ACMs), na mula sa isang kumpanya sa South Korea, ang pumalit sa mga lumang makina na ginamit sa mga nakaraang halalan mula 2010.

Ang pagbabago na ito ay hindi lamang isang hakbang patungo sa makabago, kundi isang pagsubok sa mga batas na matagal nang umiiral para tiyakin ang integridad ng halalan.

 

Bagong Teknolohiya, Batas na Matagal nang Umiiral

Ang paglipat sa bagong teknolohiya ay suportado ng Republic Act No. 9369, o ang Election Automation Law, na nag-amenda sa RA 8436 para gawing ganap ang paggamit ng automated systems sa mga halalan. Ayon sa batas na ito, ang mga automated systems ay dapat magbigay ng accuracy, transparency, at bilis, at sumailalim sa masusing testing at certification.

Ang paggamit ng automated technology ay kailangan ding sumunod sa Omnibus Election Code, na nagbibigay ng pangkalahatang legal na framework sa mga halalan sa bansa. Nililinaw ng batas na ito na ang layunin ay magkaroon ng malinis, tapat, at maayos na halalan, anuman ang gamit na teknolohiya.

Sa halalang ito, binabantayan ang deployment ng bagong mga makina hindi lamang ng mga botante kundi ng mga legal na eksperto at election watchdogs upang matiyak na sumusunod ito sa mga kinakailangan ng batas hinggil sa security features, audit logs, at transparency mechanisms.

 

Hamon sa Implementasyon at Serbisyo

Hindi perpekto ang transisyon. May mga ulat ng pagkaantala, hindi pagkakapamilyar sa sistema, at mga technical glitches sa ilang presinto. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng Republic Act No. 10756, o ang Election Service Reform Act, na tumutok sa tamang pagsasanay, kompensasyon, at proteksyon ng mga guro at mga poll workers na nagsisilbi sa araw ng halalan.

Dahil sila ang nasa frontline sa pag-implementa ng bagong teknolohiya, kailangan nilang matutunan hindi lamang ang teknikal na bahagi kundi pati na rin ang mga clear protocols na nakasaad sa batas.

 

Seguridad ng Boto at Personal na Impormasyon

Bukod sa performance ng mga makina, ang integridad ng impormasyon ng mga botante at ang mga resulta ng pagboto na ipinapasa ay bahagi rin ng legal na pagsusuri. Ang paggamit ng mga digital system sa pagkuha, pagpapadala, at pag-iimbak ng election data ay may kinalaman sa Republic Act No. 10173, o ang Data Privacy Act of 2012. Layunin ng batas na ito na protektahan ang sensitive na personal na impormasyon, kaya’t ang anumang paglabag o maling paghawak ng election-related data ay may kaakibat na legal na parusa.

Sa panahon ng mga cyber threats at disinformation campaigns, ang pagsunod sa batas na ito ay mahalaga upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga botante at integridad ng mga resulta ng halalan.

 

Legalidad at Pananagutan

Hindi lang sa bilis susukatin ang tagumpay ng mga bagong makina, kundi pati na rin sa kung paano ito sumusunod sa mga legal na pamantayan. Ang mga batas hinggil sa halalan ay nag-uutos ng transparency sa procurement, deployment, at audit ng mga voting technology. Kung mabigo ang sistema na tumugon sa mga pamantayang ito, hindi lang tiwala ng publiko ang maaaring mawala—maaari ding magresulta ito sa legal na parusa.

Habang patuloy ang halalan, binabantayan ng mga eksperto at watchdogs ang performance ng system upang tiyakin na hindi lamang ito mukhang makabago kundi nagsisilbing tapat at ligtas sa ilalim ng mga umiiral na batas.

 

Tiwala sa Teknolohiya, Batay sa Batas

Ang 2025 na halalan ay higit pa sa isang pagsubok para sa mga bagong makina; ito ay isang pagsubok din kung gaano kahusay na maisasabuhay ang mga legal na safeguards na matagal nang ipinasa upang protektahan ang bawat boto ng Pilipino. Ang daan patungo sa ganap na kredibilidad ng automated elections ay hindi lamang nakabatay sa inobasyon, kundi sa accountability, transparency, at tamang pagsunod sa batas.

 

Larawan mula sa COMELEC Facebook Page