Kahit Nakadetain sa ICC, Duterte, Mayor Ulit sa Davao

Muli nanamang gumawa ng kasaysayan sa pulitika ng Pilipinas nitong halalan 2025 si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkapanalo niya bilang alkalde ng Davao City, kahit siya ay kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Mahigit 500,000 boto ang nakuha ni Duterte, malaki ang lamang sa kanyang katunggali. Sa kabila ng kanyang pagkaka-aresto dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay sa war on drugs, nananatiling matibay ang suporta ng mga Dabawenyo sa dating pangulo.
Legal ba ang pagkapanalo niya kahit nakakulong?
Oo, ayon sa Omnibus Election Code (Batas Pambansa Blg. 881), Section 12, ang isang kandidato ay maaring ma-disqualify lang kung siya ay na-convict na with final judgment ng isang krimen na may moral turpitude o may parusang higit sa 18 buwan ng pagkakakulong.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, “Hindi sapat ang pagkaka-aresto lang para ma-disqualify si Duterte. Kailangan ng final conviction.” Hangga’t wala pang pinal na hatol mula sa korte, legal pa rin siyang maaaring tumakbo at manalo.
Paano kung hindi siya makaupo bilang mayor?
Ayon sa Local Government Code of 1991 (RA 7160), Section 46(a), kung ang isang halal na alkalde ay hindi makagampan ng tungkulin — halimbawa, dahil sa pagkakakulong — ang vice mayor ang siyang aangat bilang acting mayor.
At sino ang vice mayor na nanalo sa Davao? Walang iba kundi ang kanyang anak na si Sebastian “Baste” Duterte. Sa ganitong set-up, habang si dating Pangulong Duterte ay nasa Hague, si Baste ang gaganap ng mga tungkulin ng alkalde sa lungsod.
Ano na ang status ng kaso niya sa ICC?
Si Duterte ay inaresto noong March 11, 2025, matapos bumalik sa bansa mula sa Singapore. May dalang warrant of arrest ang ICC para sa mga kasong crimes against humanity — kabilang ang murder, torture, at rape — kaugnay sa kanyang “war on drugs” noong siya pa ang mayor ng Davao at presidente ng bansa.
Noong March 14, 2025, siya ay humarap sa korte sa Hague sa pamamagitan ng video link para sa kanyang initial appearance. Inanunsyo ng ICC na magsisimula ang confirmation of charges hearing sa September 23, 2025.
Mahalagang tandaan na kahit umalis na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, ayon sa Article 127(2) ng Rome Statute, may hurisdiksyon pa rin ang ICC sa mga krimen na ginawa habang kasapi pa ang Pilipinas — at pasok dito ang mga kasong sinasampa laban kay Duterte.
May posibilidad ba siyang matanggal bilang mayor?
Posible. Maaaring magsampa ng disqualification petition laban sa kanya, ayon sa Comelec. Pero para tuluyang matanggal, dapat may pinal na hatol o disisyon mula sa korte o sa election authorities.
Sa ngayon, walang nakabinbing disqualification case laban sa kanya, at hindi rin awtomatikong mag-aaksyon ang Comelec hangga’t walang pormal na reklamo.
Ano ang epekto nito sa pulitika ng Pilipinas?
Ang pagkapanalo ni Duterte habang nakakulong ay nagpapakita ng patuloy na impluwensya niya at ng kanyang pamilya sa lokal at pambansang pulitika. Sa Davao City, tila nananatiling matibay ang suporta sa kanya, kahit pa may kinakaharap siyang mga internasyonal na kaso.
Sa kasalukuyan, hawak pa rin ng pamilya Duterte ang mga pangunahing posisyon: si Baste bilang vice mayor, at ang anak niyang si Sara Duterte — na kasalukuyang nahaharap sa impeachment trial — ay bise presidente ng bansa.
Bagamat nakakulong si Duterte sa Hague dahil sa seryosong mga akusasyon sa ICC, walang batas sa Pilipinas na pumipigil sa kanya na tumakbo at manalo hangga’t wala pang final conviction. Sa legal na pananaw, lehitimo ang kanyang pagkapanalo.
Pero ang tanong: paano nga kung hindi siya makaupo? Ang sagot: papalit pansamantala ang vice mayor, ayon sa Local Government Code.
Sa gitna ng lahat ng ito, nakatutok ang buong bansa — at ang mundo — kung paano haharapin ng Pilipinas ang sitwasyon kung saan ang isang nahaharap sa international justice ay muling nanalo sa lokal na halalan.
Larawan mula sa Facebook Page of Mayor Rodrigo Duterte