De Lima sa Desisyon ng Court of Appeals: Hindi pa Tapos and Laban

MANILA, Philippines – Balik sa gitna ng kontrobersiya si dating Senadora Leila de Lima matapos baligtarin ng Court of Appeals (CA) ang kanyang 2023 acquittal sa isa sa mga kasong may kinalaman sa illegal na droga, sakto sa pagkapanalo ng kanyang party-list ngayong eleksyon. Ayon sa CA, nagkamali umano ang Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) sa pagbasura ng kaso at inutusan itong pagdesisyunan muli.
Pero ayon sa kampo ni De Lima at ilang legal experts, ang hakbang na ito ay maaaring labag sa Saligang Batas, partikular ang prinsipyo ng double jeopardy o ang karapatan ng isang akusado na hindi na muling litisin matapos ma-acquit.
Bakit Binawi ng CA ang Acquittal ni De Lima?
Sa desisyon ng Court of Appeals, sinabi nitong kulang daw sa paliwanag ang RTC sa pagbabasura ng kaso, lalo na sa pagtrato nito sa pagbawi ng testimonya ni Rafael Ragos, dating opisyal ng Bureau of Corrections at key witness ng prosekusyon.
Ayon sa CA, bagama’t may kalayaan ang trial court sa pag-assess ng kredibilidad ng mga testigo, kailangan pa rin nitong linawin kung paano nakaapekto ang pagbawi ng testimonya sa buong kaso, at kung bakit nagkaroon ng reasonable doubt.
Ano ang Maaaring Gawin ni De Lima Ngayon?
May ilang legal options si De Lima na bukas pa sa kanya:
-
Mag-file ng Motion for Reconsideration
-
Maari niyang hilingin sa Court of Appeals na baligtarin ang sarili nitong desisyon. Pwede niyang igiit na ang acquittal ay final at hindi pwedeng basta-basta bawiin dahil lang sa kakulangan sa paliwanag.
-
-
Umakyat sa Korte Suprema
-
Kapag tinanggihan ng CA ang motion niya, maari siyang magsampa ng petisyon sa Supreme Court. Ang pangunahing argumento: nilalabag ng CA ang kanyang karapatang konstitusyonal laban sa double jeopardy (Art. III, Sec. 21 ng 1987 Constitution).
-
-
Lumaban Muli sa Trial Court (kung ibabalik ang kaso)
-
Kung hindi mapigilan ang remand ng kaso, maaaring mag-file ang kanyang mga abogado ng motion to dismiss base sa double jeopardy, o kaya’y magpresenta ng panibagong depensa para ma-reaffirm ang kanyang acquittal.
-
-
Magpatuloy sa Public Advocacy
-
Maaari pa ring gamitin ni De Lima ang social media at suporta ng human rights organizations para ipaglaban ang kanyang panig sa publiko at internasyonal na komunidad.
-
Legal at Politikal na Laban
Ang naging desisyon ng CA ay panibagong hamon sa matagal nang laban ni De Lima, na umabot ng mahigit 6 na taon sa kulungan bago payagang magpiyansa. Marami sa mga testigo laban sa kanya, kabilang si Ragos, ay binawi na ang kanilang mga testimonya.
May mga grupo tulad ng Amnesty International at mga eksperto sa UN na nagsasabing ang mga kasong isinampa kay De Lima ay bahagi ng tinatawag nilang “judicial harassment” sa mga kritiko ng nakaraang administrasyon.
Sa mga susunod na linggo, magiging mahalaga kung anong legal na hakbang ang pipiliin ni De Lima – kung ito ba ay Motion for Reconsideration, Supreme Court petition, o panibagong laban sa trial court. Isa lang ang malinaw: hindi pa tapos ang laban.
Larawan mula sa FB Page ni Leila de Lima