Mga Bagong Kinatawan, Mas Handa na Matapos ang Executive Course sa HRep

Matagumpay na natapos ng unang batch ng mga bagong miyembro ng 20th Congress ang tatlong-araw na Executive Course on Legislation, na ginanap sa Batasan Complex. Ang training ay layong ihanda ang mga bagong halal na mambabatas sa kanilang tungkulin bilang kinatawan ng taumbayan.
Ang programa ay inorganisa ng House of Representatives sa pakikipagtulungan sa University of the Philippines–National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), sa pamamagitan ng Center for Policy and Executive Development (CPED). Sa loob ng tatlong araw, tinalakay ang mahahalagang aspekto ng batasan tulad ng paggawa ng batas, proseso ng badyet, representasyon, oversight, at serbisyo publiko.
Isa sa mga highlight ng programa ay ang POLI-ISIPAN sessions—mga breakout discussions na tumutok sa mga pangunahing isyu na dapat pagtuunan ng pansin sa bagong Kongreso. Pinaka-binibigyang halaga sa mga session na ito ang tatlong sektor:
-
Edukasyon
Si Dr. Ronald U. Mendoza (Undersecretary, DepEd) ang nagbahagi tungkol sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, access, at performance ng mga mag-aaral. -
Kalusugan
Ipinaliwanag ni Dr. Mario C. Villaverde (dating Undersecretary ng DOH) ang mga kinakailangang reporma sa sistema ng kalusugan ng bansa. -
Agrikultura at Seguridad sa Pagkain
Tinalakay ni Dr. Roehlano Briones (Senior Research Fellow, PIDS) ang mga estratehiya upang ma-modernize ang sektor ng agrikultura at masuportahan ang mga magsasaka.
Bukod dito, may mga session din ukol sa environmental protection, digital governance, at foreign policy. Ang mga mambabatas ay binigyan ng pagkakataong lumahok sa mock committee hearing at plenary session upang maranasan ang aktwal na daloy ng paggawa ng batas at debate sa loob ng plenaryo.
Gaganapin ang ikalawang batch ng Executive Course on Legislation sa Hulyo 7–9, 2025, at inaasahang dadalo ang humigit-kumulang 70 bagong kinatawan at party-list nominees. Ilan sa mga pinakaaabangang kalahok ay sina dating Senadora Leila de Lima, human rights lawyer Chel Diokno, Andrew Julian Romualdez—anak ni Speaker Martin Romualdez at 1st nominee ng Tingog Party-list, Brian Poe Llamanzares—anak ni Senadora Grace Poe at 1st nominee ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, at Paolo Marcoleta—anak ni dating Rep. Rodante Marcoleta at nominee ng SAGIP Party-list. Sa pamamagitan ng kursong ito, pinapatunayan ng House of Representatives ang layunin nitong magkaroon ng isang propesyonal, matino, at makabagong lehislatura na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino.
Larawan mula sa House of Representatives Facebook Page