Diskurso PH

ASEAN +3, nananatiling matatag ang ekonomiya habang tumitindi ang tensyon sa pandaigdigang kalakalan


Marjo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-04-15 19:46:50
ASEAN +3, nananatiling matatag ang ekonomiya habang tumitindi ang tensyon sa pandaigdigang kalakalan

ABRIL 15, 2025 — Nagpapakita ng mas matibay na resistensya ang mga bansang kasapi ng ASEAN, kasama ang China, Japan, at South Korea, sa kabila ng tumitinding kawalan ng katiyakan sa kalakalan, ayon sa pagsusuri ng ASEAN+3 Macroeconomic Research Office (AMRO). Binigyang-diin ng grupo na bagamat nagdulot ng "unprecedented global trade shocks" ang mga bagong taripa ng U.S., mas handa ngayon ang magkakaibang ekonomiya ng rehiyon para harapin ang mga pagsubok kumpara noong nakaraan.

“The announcement of elevated and broad-based tariffs by the US, and the developments since, have added significant layers of complexity to the ASEAN+3 region’s outlook,” ayon kay AMRO Chief Economist Hoe Ee Khor.

(Nagdagdag ng malalim at masalimuot na hamon sa outlook ng rehiyon ng ASEAN+3 ang pag-anunsyo ng U.S. ng mas mataas at malawak na taripa.) 

Sinabi niya na 13 sa 14 na ekonomiya sa rehiyon ang nakakaranas ng pinakamataas na effective tariff rates, na umaabot sa average na 26% (hindi kasama ang China). Pero salamat sa matatag na inflation at flexible na fiscal policies, may panangga ang rehiyon laban sa mga external pressure.

May kakayahan ang mga gobyerno na iakma ang mga polisiya sa pamamagitan ng targeted financial support o monetary easing para patuloy na umangat ang ekonomiya. Maaaring magbaba ng interest rates o gumamit ng liquidity measures ang mga central bank para panatilihin ang stability ng mga merkado.

Sa Pilipinas, maingat ang optimism ng mga opisyal. Inamin ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na maaaring maantala ang mga investment dahil sa global uncertainty, pero binigyang-diin niya ang matibay na macroeconomic foundation ng bansa.

"But of course, this uncertainty in the global environment -- you would expect investment decisions would be suspended. And it's not just in the Philippines. Everywhere. But hopefully, we'll do better than average," saad niya, at binanggit ang pagbaba ng inflation at kamakailang rate cut ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang magandang senyales.

(Pero syempre, kapag may ganitong kawalan ng katiyakan sa global environment, aasahan mong ipagpapaliban muna ang mga desisyon sa investimento. At hindi lang sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa. Pero sana, mas maganda ang ating performance kaysa average.") 

Inaasahang pasiglahin ng mas mababang interest rates — na nasa 5.5% ngayon — ang consumer spending at investments na pangunahing drivers ng first-quarter growth. Dagdag ni Balisacan, malalaman ang buong epekto ng mga hakbang na ito kapag inilabas ang GDP figures sa Mayo.

 

(Larawan: LinkedIn)