$1.45B, aprubado na ng ADB para matapos ang Malolos-Clark Railway

ABRIL 16, 2025 — Inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang huling pondo na 1.45 bilyon para sa Malolos-Clark Railway Project (MCRP), na magiging malaking hakbang para sa mas modernong transportasyon sa bansa. Kasunod ito ng unang pautang na 1.3 bilyon noong 2019, na nagdala sa kabuuang suporta ng ADB sa proyekto sa $2.75 bilyon.
Bubuo ang MCRP ng 53.1 kilometro sa North-South Commuter Railway (NSCR) na may kabuuang 163 kilometro, na mag-uugnay ng Clark sa Pampanga, Metro Manila, at sa dakong huli, hanggang Calamba sa Laguna. Tatlong uri ng serbisyo ang iaalok nito: regular na tren para sa mga pasahero, express routes para sa mga sikat na destinasyon, at airport express lines papunta sa Clark International Airport — na magbibigay ng mas mabilis at maayos na biyahe para sa libo-libong tao araw-araw.
Binigyang-diin ni Pavit Ramachandran, Country Director ng ADB sa Pilipinas, ang mas malawak na epekto ng proyekto: "This major transformative project will spur more investments, create jobs, and contribute to sustaining the country’s growth momentum."
(Ang malaking proyektong ito ay magdudulot ng mas maraming pamumuhunan, maglilikha ng trabaho, at makakatulong sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng bansa.)
Sinusuportahan din ng ADB ang South Commuter Railway Project, ang katimugang bahagi ng NSCR, kasama ang karagdagang pondo mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Bukod sa imprastruktura, nagbibigay rin ang ADB ng technical assistance para sa mga komunidad na maaapektuhan ng konstruksiyon, upang siguruhing lahat ay makikinabang. Gamit ang disenyo at teknolohiyang kayang humarap sa sakuna, layon ng proyektong maging pangmatagalang solusyon sa trapik at magpalakas ng koneksiyon sa rehiyon.
(Larawan: LinkedIn: Mark Al Dumlao)