Aksidente sa Cryotherapy sa Paris, Isa patay, Isa kritikal

Abril 15, 2025 — Nagdulot ng matinding pangamba ang isang nakamamatay na insidente sa Paris tungkol sa kaligtasan ng cryotherapy, matapos ang pagtagas ng nitrogen sa isang sports center. Ayon sa French investigators, isang babae ang nasawi, habang isa pang biktima ang nasa kritikal na kondisyon matapos magkamali ang cryotherapy session.
Naganap ang insidente noong Lunes ng gabi sa isang maliit na gym sa 11th district ng Paris, ayon sa pulisya. Batay sa paunang ulat, ang nitrogen leak mula sa cryochamber ang naging sanhi ng pagkalason. Ang nasawing biktima ay isang empleyado ng gym, babae sa kanyang late 20s, habang isang kliyente sa kanyang 30s ang agad isinugod sa ospital.
"An investigation into the cause of death has been launched (Sinimulan na ang imbestigasyon para alamin ang sanhi ng pagkamatay)," ayon sa Paris public prosecutor's office.
Bukod sa mga biktima, tatlong tao na nagbigay ng paunang lunas ay ginamot din matapos ma-expose sa gas, ayon sa pulisya. May humigit-kumulang 150 katao sa gym nang mangyari ang insidente, kaya't agad itong ini-evacuate matapos ang trahedya.
Ayon sa mga AFP journalists na nasa lugar noong Lunes ng gabi, nakita nilang may bangkay na nakatakip ng puting tela habang inilalabas mula sa pasilidad. Naglagay rin ng harang upang hindi makita ng publiko ang insidente.
Ang nitrogen ay isang walang kulay at walang amoy na gas na karaniwang ginagamit sa cryotherapy. Sa isang typical na session, ang mga participant ay ini-expose sa temperatura na maaaring bumaba sa -100°C sa isang chamber sa loob ng tatlong minuto o mas kaunti. Sinasabing nakakatulong ito sa muscle recovery, stress reduction, at iba pang kondisyon sa balat at kalusugan.
Gayunpaman, hindi pa napapatunayan ang mga benepisyo ng cryotherapy, kaya’t maraming eksperto ang humihimok ng mas malalim na pananaliksik sa posibleng epekto nito sa katawan.
"I was always told it was dangerous (Lagi kong naririnig na delikado ito)," ayon kay Diego Brisset, isang 26-anyos na nagbalak pumunta sa gym ngunit natagpuang sarado ito noong Lunes ng gabi. Sinabi rin niya na hindi siya sumali sa cryotherapy session.
Matagal nang pinagtatalunan ang cryotherapy, lalo na noong 2015, nang isang babae ang nagyelo hanggang mamatay sa isang Las Vegas spa. Ang 24-anyos na biktima ay pumasok sa cryotherapy chamber pagkatapos ng business hours para subukang maibsan ang sakit ng katawan, ngunit natagpuan siyang wala nang buhay ng kanyang katrabaho kinabukasan.
Larawan: Jacob Lund/Canva