IEA: pandaigdigang demand sa langis humihina dahil sa trade tensions, paglipat sa EV

ABRIL 16, 2025 — Inaasahan ang pinakamabagal na paglago ng pandaigdigang demand sa langis sa loob ng limang taon, ayon sa International Energy Agency (IEA), dahil sa tumitinding trade disputes at mabilis na paglipat ng mga mamimili sa electric vehicles (EVs). Binaba ng ahensya ang growth forecast nito para sa 2025 sa 730,000 barrels per day (bpd) — mas mababa sa huling estimate na 1.03 milyong bpd — na nagmamarka ng pinakamabagal na pagtaas mula noong 2020 nang bumagsak ang demand dahil sa pandemya.
Dulot ng trade tensions sa pagitan ng U.S. at China ang pagbagal ng demand, kung saan nagdulot ng pinsala sa ekonomiya ng dalawang bansa ang mga retaliatory tariffs.
"The deteriorating outlook for the global economy amid the sudden sharp escalation in trade tensions in early April has prompted a downgrade to our forecast for oil demand growth this year," pahayag ng IEA.
(Dahil sa lumalalang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya bunga ng biglaang pagtindi ng trade tensions noong unang bahagi ng Abril, binaba namin ang aming forecast para sa paglago ng demand sa langis ngayong taon.)
Halos kalahati ng pagbaba ng demand ay nagmumula sa U.S. at China, at naaapektuhan din ang mga Asian economies na umaasa sa kalakalan.
Samantala, inaasahang tataas lamang ng 490,000 bpd ang oil production ng U.S. ngayong taon — 150,000 bpd na mas mababa kaysa sa naunang estimate. Dahil sa tumataas na gastos sa steel at drilling equipment, na bahagyang epekto ng mga tariff, nahihirapan ang mga shale producers.
"The significant drop in oil prices rattled the U.S. shale patch. New tariffs may also make it more expensive to buy steel and equipment, further discouraging drilling," dagdag ng IEA.
(Ang malaking pagbaba ng presyo ng langis ay nagdulot ng kaguluhan sa U.S. shale industry. Ang mga bagong tariff ay maaaring magpamahal pa sa pagbili ng steel at equipment, na lalong magpapahina sa drilling.)
Lalong bumaba ang presyo ng langis matapos magdesisyon ang OPEC+ na dagdagan ang produksyon, kung saan bumagsak ng 13% ang presyo ng Brent crude ngayong buwan sa halos $64 kada barrel. Pero binabalaan ng IEA na maaaring humarap ang merkado sa matagalang surplus, dahil tataas ang supply mula sa non-OPEC+ producers ng 1.3 milyong bpd sa 2025 — mas mabilis kaysa sa paglago ng demand.
Sa hinaharap, malaking hamon ang EVs at economic instability. Sa unang projection ng IEA para sa 2026, bababa pa ang demand growth sa 690,000 bpd. Binigyang-diin sa ulat na ang economic challenges ng China at mabilis na pag-adopt ng EVs ang magbabago sa kinabukasan ng langis.
Para sa mga bansang umaasa sa langis, malaking problema ang slump. Pinag-iisipan na ng mga gobyerno ang pagbawas sa gastos at pag-utang para punan ang nawalang kita. Bagama’t naniniwala ang OPEC na tataas pa ang demand sa long term, iginiit ng IEA na malapit nang maabot ang peak oil.
(Larawan: Yahoo Finance)