Retail empire ng Double Dragon, lalawak pa sa pagbili ng P1.28B stake sa MerryMart

ABRIL 16, 2025 — Isang matapang na hakbang ang gagwin ng DoubleDragon Corp., ang investment holding firm na pinamumunuan nina Edgar "Injap" Sia II at Jollibee founder Tony Tan Caktiong, patungo sa retail sector sa pamamagitan ng pagbili ng 35% stake sa grocery chain na MerryMart Consumer Corp. sa halagang P1.28 bilyon.
Binubuo ang deal ng kalahating cash (P637.97 milyon) at kalahating shares ng DoubleDragon (na may halagang P9.30 bawat isa), na naglalagay sa halaga ng MerryMart sa humigit-kumulang P3.65 bilyon. Kasama sa transaksyon ang 2.66 bilyong shares mula sa holding company ni Sia, ang Injap Investments Inc., sa presyong P0.48 bawat share.
Pero hindi ito simpleng pagbili lang. Ayon sa mga regulasyon, kailangang maglabas ng mandatory tender offer ang DoubleDragon para sa natitirang publicly held shares ng MerryMart, depende sa approval ng mga awtoridad.
Para sa DoubleDragon, hindi lang ito pagdagdag ng bagong brand sa portfolio. Tungkol din ito sa synergy. Ang MerryMart, na may mahigit 135 stores at kumikita ng P7 bilyon taun-taon mula sa retail at pharmacy sales, ay magandang fit sa lumalaking ecosystem ng community malls, offices, at budget-friendly na Hotel101 properties ng DoubleDragon.
Mula nang mag-rebrand bilang investment holding company noong 2021, naging mas agresibo ang expansion ng DoubleDragon, na target ang P500 bilyon na kita pagsapit ng 2035. Sa assets na lagpas P190 bilyon at first-class credit rating, todo-pasok ang kumpanya sa high-growth sectors — at ang stable na cash flow ng MerryMart ang mainam na taya.
(Larawan: DoubleDragon Corporation)