BDO, nagbabalang mas mabagal ang paglago ng kita sa 2025 habang bumababa ang interest rates

ABRIL 25, 2025 — Handa ang BDO Unibank, ang pinakamalaking bangko sa bansa, para sa mas banayad na paglago ng kita ngayong taon, kahit na matatag ang simula nito sa unang quarter. Bagamat umangat ng 7% ang net income nito sa ₱19.7 bilyon mula Enero hanggang Marso, binabalaan ni BDO president at CEO Nestor Tan na hindi aabot sa 12% profit surge kagaya noong nakaraang taon ang 2025.
"Don't look at the first quarter as indicative of the full year," ani Tan sa isang briefing. "It will be a little less … because of the expected decline in interest rates."
(Huwag tingnan ang unang quarter bilang patunay ng magiging resulta sa buong taon. Mas magiging mababa ito … dahil sa inaasahang pagbaba ng interest rates.)
Lumaki ng 12% ang loan portfolio ng bangko sa ₱3.3 trilyon, habang tumaas naman ng 6% ang deposits sa ₱3.8 trilyon — senyales ng malusog na demand. Pero dahil sa pagbaba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng rates ng 25 basis points noong Abril at ang posibilidad ng karagdagang pagbawas, inaasahan ng BDO ang pressure sa lending profits.
Inaasahan ni Tan ang karagdagang 50 basis points na pagbaba ng rates ngayong taon, alinsunod sa dovish stance ng BSP.
"It will still have growth, but probably not on the same level as last year," aniya.
(May paglago pa rin, pero baka hindi katulad ng nakaraang taon.)
May mga external risks, tulad ng posibleng pagbabago sa US tariffs sa ilalim ng Trump presidency, pero maaaring limitado ang epekto nito sa domestic at consumer-driven economy ng Pilipinas.
"Generally the tariff will have an impact but not as much as the other countries," dagdag ni Tan.
(Sa pangkalahatan, may epekto ang tariff pero hindi kasing laki tulad sa ibang bansa.)
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling kumpiyansa ang BDO sa pamumuno nito sa merkado at sa lakas ng capital nito para harapin ang uncertainties.
(Larawan: Facebook)