Presyo ng krudo, aakyat na naman sa susunod na linggo

ABRIL 25, 2025 — Dapat nang maghanda ang mga motorista sa panibagong pagtaas ng presyo ng krudo sa susunod na linggo, dagdag pasanin sa mga bulsa na sadyang hirap na. Ayon sa Department of Energy (DOE), posibleng tumaas ang gasolina ng P0.80 hanggang P1.40 bawat litro, diesel ng P0.40 hanggang P1.00, at kerosene ng P0.50 hanggang P0.70.
Ano nga ba ang dahilan? Dalawang pangunahing rason: ang bagong sanctions ng U.S. sa oil shipments ng Iran at ang biglang pagbaba ng crude stockpiles sa U.S., na nagpapahirap sa global supply.
“Final adjustment will be determined after today’s trading and oil companies inputs on their related costs,” sabi ni Rodela Romero, Assistant Director ng DOE’s Oil Industry Management Bureau.
(Ang huling pagtaas ay matutukoy pagkatapos ng trading ngayon at sa input ng mga oil companies sa kanilang mga gastos.)
Kasunod ito ng pagtaas noong nakaraang linggo — P1.35 para sa gasolina, P1.30 sa diesel, at P1.10 sa kerosene. Mula simula ng taon, umakyat na ng P2.30 ang gasolina, P2.85 ang diesel, samantalang bumaba naman ng P1.80 ang kerosene.
Para sa mga negosyong umaasa sa transportasyon o logistics, ibig sabihin nito ay mas mataas na gastos, na maaaring ipasa sa mga mamimili. Sa mga driver, oras na para balikan ang budget habang patuloy ang pagtaas ng gastos sa krudo.
Iaanunsyo ng mga oil company ang eksaktong pagtaas sa Lunes, at magkakabisa ito sa Martes.
(Larawan: Philippine News Agency)