Bagong sistema ng FTI, susubaybay sa supply chain ng baboy para pigilan ang sobrang kita

ABRIL 27, 2025 — Inilunsad ng gobyerno ang isang high-tech na solusyon para subaybayan ang baboy mula sa sakahan hanggang sa palengke, para masigurong patas ang presyo para sa mga magsasaka at mamimili. Inaasahang ganap nang gagana na sa Mayo ang sistemang ito ng Food Terminal Inc. (FTI), kasama ang Department of Agriculture (DA).
Ito’y tugon sa paulit-ulit na reklamo sa pagmamanipula ng presyo sa supply chain ng baboy, kung saan may mga nagtitinda umano sa mas mataas na halagang lampas sa makatuwirang kita.
“The goal is to ensure each player in the supply chain earns a fair return, while shielding consumers from unjustified markups,” pahayag ng DA.
(Layon nito na masigurong patas ang kita ng bawat isa sa supply chain, habang pinoprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang patong.)
Sa ngayon, dapat nasa itinakdang limitasyon lang ang presyo ng baboy — P380 kada kilo para sa liempo at P350 para sa pigue at kasim. Pero maraming nagtitinda ang hindi sumusunod. Sinasabi nilang mataas ang farm-gate price at may dagdag-bayad sa supply chain.
Binigyang-diin ni FTI President Joseph Rudolph Lo, “We believe a farm-gate price above P230 per kilo is already an indication of profiteering.”
(Naniniwala kami na kapag lagpas sa P230 kada kilo ang farm-gate price, senyales na ito ng pagso-sobra sa kita.)
Dagdag pa niya, dapat nasa P50 hanggang P65 lang ang patong kada kilo — kapag higit pa rito, parehong lugi ang magsasaka at mamimili.
Para masiguro ang pagsunod, magsisimula nang magbigay ng babala ang DA sa mga negosyong lalabag sa patakaran.
“This week, we will begin issuing notices to stakeholders, requesting them to explain their inability to comply with the MSRP,” ani Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra.
(Ngayong linggo, magpapadala na kami ng notice sa mga stakeholders para ipaliwanag nila kung bakit hindi nila nasunod ang MSRP.)
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Department of Trade and Industry para mahuli ang mga violators.
Samantala, nagte-testing din ang FTI ng isa pang solusyon: ang pakikipagtulungan sa Thai food giant na Charoen Pokphand Foods PLC (CP Foods) para makapag-supply ng mas murang baboy. Mula noong Marso, mahigit 2,000 baboy na ang naibenta sa mas mababang presyo, kaya nakapagbawas ng P20 kada kilo ang mga retailer.
Hinihikayat din ng FTI ang iba pang hog farms na sumali sa programa para tuluyang bumaba ang presyo ng baboy para sa mga mamimili.
(Larawan: Philippine News Agency)