Mga estado, kinasuhan ang Trump admin sa EV charging fund

Mayo 8, 2025 — Nagsampa ang labingpitong estado sa U.S. ng federal lawsuit laban sa administrasyong Trump ngayong Miyerkules dahil sa umano’y pagpigil nito ng bilyong dolyar na nakalaan para sa mga electric vehicle (EV) charging stations. Ayon sa reklamo, labag sa batas ang direktibang ibinigay noong Pebrero na nagpapahinto sa mga estado sa paggamit ng pondo na inilaan sa ilalim ng Bipartisan Infrastructure Law ni Pangulong Joe Biden — isang hakbang na nakikita bilang bahagi ng mas malawak na rollback ng environmental policies ni dating Pangulong Donald Trump.
Ang EV charger program ay naglaan ng $5 bilyon sa loob ng limang taon para palawakin ang charging networks sa buong bansa. Sa halagang iyon, tinatayang $3.3 bilyon na ang naipamahagi. Pinangungunahan ng mga attorney general mula California, Colorado, at Washington ang kaso, na kinukwestyon ang awtoridad ng Federal Highway Administration sa pag-freeze ng pondo. Giit nila, tanging ang Kongreso lang — na siyang nag-apruba ng pondo noong 2021 — ang may kapangyarihang gumawa nito.
“These funds were going to be used to shape the future of transportation (Ang pondong ito ay nakalaan sana para hubugin ang kinabukasan ng transportasyon),” ayon kay California Attorney General Rob Bonta. Tinawag niyang “short-sighted” ang naging desisyon. “We won’t sit back while the Trump administration violates the law (Hindi kami mananahimik habang nilalabag ng administrasyong Trump ang batas),” dagdag pa niya.
Tumanggi namang magbigay ng komento ang U.S. Department of Transportation hinggil sa isyu.
Sa datos ng Motorintelligence.com, nasa 8% ng bagong sasakyan sa U.S. noong nakaraang taon ay EVs. Patuloy man ang pagtaas ng bilang ng EV users, nananatili ang pangamba ng mga potensyal na buyers, lalo na sa mga lugar na tinatawag na “charging deserts” — mga probinsya o residential areas na kulang o walang access sa charging infrastructure. Layunin sana ng pondo mula sa pederal na gobyerno na tugunan ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng chargers sa mga highway corridor, bago lumawak sa iba pang underserved areas.
May ilang estado na ang nabigyan na ng reimbursement sa ilalim ng programa, habang ang iba ay nasa proseso pa ng kontrata o napilitang itigil ang kanilang mga plano dahil sa pagpigil ng pondo. Bagama’t may progreso, nahaharap pa rin sa delays ang rollout ng EV chargers dahil sa komplikadong permitting, contract issues, at mga electrical upgrade.
Isa sa mga nagsampa ng kaso ang New York, na nabigyan ng mahigit $175 milyon mula sa nasabing programa. Ayon sa mga opisyal ng estado, $120 milyon sa halagang ito ang kasalukuyang pinipigilan ng administrasyong Trump. Ang electric car company na Tesla, na pinamumunuan ni Elon Musk — na may papel din sa Trump-led Department of Government Efficiency — ay nakatanggap ng milyong dolyar mula sa programa para palawakin ang charging network nito sa bansa.
Sa kabila ng mga hadlang, inaasahan pa rin ng mga eksperto na magpapatuloy ang expansion ng EV charging network. Determinado ang mga automakers sa kanilang electrification goals, kahit may agam-agam pa rin ang ilang consumers, lalo na sa mga walang access sa chargers sa mga apartment complexes, rural areas, o malapit sa kanilang trabaho o biyahe sa highway.
Mariing tinuligsa ni California Governor Gavin Newsom ang pagpigil ng pondo, at tinawag itong iligal at makakasira sa lokal na job market.
“Instead of hawking Teslas on the White House lawn, President Trump could actually help Elon — and the nation — by following the law and releasing this bipartisan funding (Imbes na ibenta ang mga Tesla sa damuhan ng White House, mas makakatulong si Pangulong Trump kay Elon — at sa buong bansa — kung susundin niya ang batas at ilalabas ang pondong napagkasunduan ng magkabilang partido),” sabi ni Newsom, na tumutukoy sa pagbili ni Trump ng Tesla bilang suporta kay Musk.
Ang pagpigil sa pondo ay bahagi rin ng mas malawak na adyenda ni Trump na baliktarin ang mga environmental policies ni Biden. Sa unang linggo pa lang ng kanyang pagbabalik sa opisina, pinirmahan na ni Trump ang mga executive orders para muling i-pull out ang U.S. sa Paris climate agreement, i-reverse ang target para sa 2030 na kalahati ng bagong sasakyan ay EVs, at itigil ang environmental justice initiatives. Bukod dito, nagsimula na rin ang administrasyon ni Trump sa pagbaklas ng ilang environmental regulations at pagsuporta sa pagpapalawak ng fossil fuel industry.
Samantala sa Kongreso, pumasa kamakailan ang U.S. House ng panukala na pumipigil sa California sa pagpapatupad ng emission rules nito — kabilang na ang planong pagbawal sa pagbebenta ng bagong gas-powered cars pagsapit ng 2035. Gayunman, ayon sa Senate parliamentarian, hindi saklaw ng review mechanism ng House ang mga polisiya ng California.
Larawan: Kittipong Jirasukhanont/Canva