Diskurso PH

Namfrel, naglulunsad ng app para beripikahin ang resulta ng Halalan 2025


Mary Jane Barrera • Ipinost noong 2025-05-08 20:00:33
Namfrel, naglulunsad ng app para beripikahin ang resulta ng Halalan 2025

Mayo 8, 2025 — Noong Huwebes, inilunsad ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ang kanilang “Operation QR Count” 2025, isang transparency initiative na layong bigyan ng kapangyarihan ang mga botante para independenteng ma-verify ang resulta ng eleksyon mula sa kanilang mga presinto sa Mayo 12.

Ayon kay Namfrel National Chairperson Lito Averia, gamit ang Namfrel 2025 mobile app, ang mga botante na may smartphones ay maaaring mag-scan ng mga QR code na matatagpuan sa mga nakapaskil na election returns (ERs) sa labas ng presinto bandang alas-7 ng gabi—bago pa man i-transmit ang mga boto sa pamamagitan ng automated counting machines.

“TAng QR code ay i-scan gamit ang Namfrel 2025 app. Sa araw ng election, kahit walang internet ay maaaring mag-scan ngunit kailangan mo ng internet connection para maipadala ang mga datos sa Namfrel,” paliwanag ni Averia.

Bilang isang accredited citizens’ arm ng Commission on Elections (Comelec), makakatanggap ang Namfrel ng mga scanned data in real time. Ayon kay Fernando Contreras Jr., systems head ng Namfrel, ang mga scanned QR codes ay magbibigay daan upang maikumpara ng organisasyon ang mga resulta mula sa mga presinto sa mga opisyal na resulta ng Comelec.

“Sa Namfrel website, makikita ng publiko kung anong transmitted election results ang may ka-match na precinct results na pinadala ng publiko sa pamamagitan ng ER QR code scanning,” ani Contreras.

Pinahalagahan niya ang kahalagahan ng pag-scan ng bawat QR code ng ER, hindi lang ng ilan. “Okay lang kung ilang beses nang na-scan ng mga tao ang same ER, mas magpapatibay nito ang pagbe-verify ng resulta ng presinto na iyun. Tandaan natin, i-scan ang lahat ng QR codes na makikita sa election returns, hindi isa lamang o dalawa, kundi lahat,” dagdag pa niya.

Nang tanungin tungkol sa papel ng Namfrel sa pagtiyak na makakaboto ang lahat ng botante—lalo na kung magka-problema ang makina—tiniyak ni Averia sa publiko na may mga protocol na nakahanda. “Ang basic diyan is if after polling hours may pila pa, lahat ng mga botante makakaboto, kailangan tapusin lahat yun,” aniya.

“Kunwari nagkaproblema ang makina, ang option na binibigay ng Comelec, iiwan ang mga balota sa electoral boards or pwedeng maghintay ang mga botante kung gusto nila na sila ang magpasok sa makina, hihintayin ang replacement machines,” paliwanag niya.

Binanggit din ni Contreras ang mga improvements sa mga bagong automated counting machines na ibinigay ng Miru, sinabing mas mabilis ang mga ito kaysa sa mga dating modelo. Pero nagbigay babala siya na may 20-second delay sa screen-checking na maaaring mangyari at kailangang tutukan ito sa araw ng eleksyon.

“Pinapaalalahan namin lahat na 7 [a.m.] to 7 [p.m.] ang pagboto. Agahan na natin,” paalala niya sa publiko.

Larawan: Namfrel/Facebook