Robinsons Land, tataya ng P125B sa luxury expansion

MAYO 8, 2025 — Ilalaan ng Robinsons Land Corp. (RLC) ang P125 bilyon sa loob ng susunod na limang taon para sa mga high-end development. Layunin nitong i-upgrade ang portfolio at kumita mula sa lumalaking demand sa premium properties. Target na umabot sa P25 bilyon ang net income nito pagsapit ng 2030, mula sa P13.21 bilyon noong nakaraang taon.
“This long-term goal reflects our strong commitment to creating enduring value to our shareholders,” pahayag ni RLC president at CEO Mybelle GoBio.
(Ang long-term goal na ito ay nagpapakita ng matibay naming commitment para makalikha ng pangmatagalang halaga para sa aming mga shareholder.)
Kasama sa plano ang pag-aayos ng mga lumang office towers, pagpapalawak ng luxury condominiums, at pagbubukas ng ultra-luxury hotels.
Imo-modernize ang walong office building ng RLC pagsapit ng 2026, na may P100 milyong puhunan para makaakit ng mga global firm at outsourcing giant. Sa 33 office property nito, halos kalahati ay nangangailangan ng lobby upgrade.
Ang pinakabagong proyekto nito, The Jewel, ay magiging pinakamalaking single-site development — isang mall, apat na office towers, at malaking parking facility ang laman.
Tututok din ang RLC sa high-end homes, kung saan maglulunsad ng bagong tower sa Bridgetowne at The Westin Residences sa Pasig.
“We’re targeting the upper mid to premium market for the residential business,” dagdag ni GoBio.
(Ang target namin ay upper mid hanggang premium market para sa residential business.)
Kasabay nito, binabawasan ng RLC ang P49-bilyong unsold inventory nito, kabilang ang P5.3 bilyong ready-to-move-in units.
Sa hotel business naman, posibleng lumawak pa ang luxury brands nitong Fili at Nustar sa labas ng Cebu, at baka pati sa ibang bansa. Ngayong linggo magbubukas ang 223-room Nustar Hotel, isa na namang hakbang sa premiumization strategy ng kumpanya.
Sa pamamagitan ng agresibong upgrades at malinaw na focus sa luxury, todo-taya ang RLC sa affluent buyers at tenants — quality over quantity na ang labanan.
(Larawan: RLC Premiere Properties PH)