Mercedes-Benz, ilalabas ang unang hybrid EVs sa PH

Mayo 9, 2025 — Inanunsyo ng luxury car brand na Mercedes Benz ang kanilang unang plug-in hybrid electric vehicles (PHEVs) sa Pilipinas bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsuporta sa sustainable luxury. Ipinakita ng brand ang dalawang modelo sa kanilang EDSA Greenhills showroom sa San Juan: ang GLC 350e SUV at ang E350e sedan. Ito ang unang hybrid offerings ng Mercedes Benz matapos nilang maglunsad ng mga fully electric vehicles sa bansa ilang taon na ang nakalipas.
Sabi ni Mercedes Benz Philippines General Manager Maricar Parco, “This time we have the best of both worlds. The plug-in hybrid will be propelled initially by electric power and then it also has a combination of the combustion engine (Ngayon, mayroon tayo ng pinakamahusay na kombinasyon ng dalawang mundo. Ang plug-in hybrid ay magsisimula sa electric power at pagkatapos ay magkakaroon din ito ng kombinasyon ng combustion engine).”
Ang GLC 350e SUV ay may presyong nagsisimula sa P4.89 milyon, habang ang E350e sedan, na may iconic Mercedes-Benz logo sa harap na hood, ay may presyong P5.49 milyon.
Ipinahayag ni Parco ang kumpiyansa na patuloy na tataas ang demand para sa mga electric vehicles (EVs), pati na rin sa high-end market. Ayon pa sa kanya, unti-unti nang nagiging bukas ang mga Pilipino sa EVs at binanggit niyang, “Growth of the new energy vehicle has doubled in the last year. This is a combination of full electric and plug-in hybrid. From 2 percent it’s actually up to 6 percent in the first four months of the year (Ang paglago ng mga bagong energy vehicle ay dumoble sa nakaraang taon. Ito ay kombinasyon ng full electric at plug-in hybrid. Mula 2 porsyento, tumaas ito hanggang 6 porsyento sa unang apat na buwan ng taon).”
Binanggit din niya ang pangangailangan para sa mas maraming improvements sa EV infrastructure sa Pilipinas, lalo na ang pagpapalawak ng mga electric charging stations sa labas ng Metro Manila. Aniya, ang kanilang mga bagong modelo ay compatible sa karamihan ng mga charging stations na matatagpuan sa mga mall at iba pang lugar.
Sa hinaharap, binanggit ni Parco ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at ang posibleng positibong epekto nito sa automotive at luxury vehicle sectors. “The luxury market has always been resilient. The car industry is continuing to grow. Year-on-year in fact, the Philippines has one of the fastest growth in ASEAN region (Ang luxury market ay palaging matatag. Patuloy ang paglago ng industriya ng sasakyan. Taun-taon, isa nga ang Pilipinas sa may pinakamabilis na paglago sa ASEAN region),” pagtatapos niya.
Larawan: Mercedes-Benz Philippines/Facebook