Globe, nagdagdag ng 235 bagong 5G sites, 98% coverage sa mga pangunahing lungsod

Mayo 22, 2025 — Pinalawak ng Globe Telecom, Inc. ang kanilang 5G network sa pamamagitan ng pagdagdag ng 235 bagong sites sa mga pangunahing siyudad sa Pilipinas, kaya umabot na ang 5G coverage sa mga lugar na ito sa humigit-kumulang 98 porsyento.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, iniulat ng Globe na umabot sa 98.71 porsyento ang 5G coverage sa Metro Manila at 97.97 porsyento naman sa mga pangunahing siyudad sa Visayas at Mindanao sa unang quarter ng 2025.
“This means faster, more reliable connections for millions of Filipinos who use their mobile phones anywhere from work to entertainment. These new sites are already supporting over 9.5 million 5G devices, helping make high-speed Internet available to even more people across the country (Ibig sabihin nito ay mas mabilis at mas maasahang koneksyon para sa milyun-milyong Pilipino na gumagamit ng kanilang mobile phones mula sa trabaho hanggang sa libangan. Ang mga bagong sites na ito ay sumusuporta na sa mahigit 9.5 milyong 5G devices, na tumutulong para maging accessible ang high-speed Internet sa mas marami pang tao sa buong bansa),” ani ng kumpanya.
Bukod sa pagpapalawak ng 5G, nagtayo rin ang Globe ng 487 bagong cell towers at nag-upgrade ng 3,940 umiiral nang mga tower gamit ang LTE technology.
“With new technology like 32T32R Massive Multiple-Input Multiple-Output (MIMO), the network is becoming faster and more stable for customers in crowded areas (Dahil sa bagong teknolohiya tulad ng 32T32R Massive Multiple-Input Multiple-Output (MIMO), nagiging mas mabilis at mas matatag ang network para sa mga customer sa mga masisikip na lugar),” dagdag pa ng Globe.
Bilang bahagi ng Connectivity Plan Task Force sa ilalim ng Private Sector Advisory Council (PSAC), na-activate na rin ng Globe ang 600 bagong cell sites sa mga geographically disadvantaged at isolated areas (GIDAs).
“By the end of 2025, Globe aims to expand this further to 700 as part of a broader industry-wide movement to close the digital gap and ensure that no Filipino is left offline (Sa pagtatapos ng 2025, layunin ng Globe na palawakin pa ito hanggang 700 bilang bahagi ng mas malawak na kilusan sa buong industriya upang isara ang digital gap at matiyak na walang Pilipino ang mapag-iiwanan sa online na mundo),” pahayag ng kumpanya.
Binigyang-diin ni Globe president at CEO Carl Cruz ang dedikasyon ng kumpanya sa pagbibigay ng pinakamahusay na mobile experience para sa mga Pilipino sa buong bansa.
“This is about more than speed -- it’s about making sure every Filipino, wherever they are, can tap into the future. It’s key for supporting future technologies like AI (artificial intelligence), and as the cost of 5G devices goes down, we want to make sure more people can access these advancements (Hindi lang ito tungkol sa bilis—kundi sa pagtiyak na bawat Pilipino, saan man sila naroroon, ay makakapasok sa hinaharap. Mahalaga ito para suportahan ang mga teknolohiyang darating tulad ng AI (artificial intelligence), at habang bumababa ang presyo ng mga 5G device, nais naming mas maraming tao ang makagamit ng mga bagong teknolohiyang ito),” sabi ni Cruz.
Pinunto rin niya na ang connectivity ngayon ay hindi na isang pribilehiyo kundi isang karapatang pantao.
“Globe is working to make sure that right is protected, expanded, and felt in every home and every pocket in this country (Ang Globe ay nagsusumikap na tiyakin na ang karapatang ito ay maprotektahan, mapalawak, at maramdaman sa bawat tahanan at bawat bulsa sa buong bansa),” pagtatapos niya.
Larawan: Globe Telecom/Facebook