LTO: suspendido ang 107 driving schools dahil sa mga pekeng sertipiko

MAYO 22, 2025 — Nag-suspinde ang Land Transportation Office (LTO) ng 107 driving schools sa buong bansa dahil sa umano’y pagbibigay ng pekeng Theoretical Driving Course (TDC) certificates — isang mahalagang requirement para makakuha ng driver’s license. Naganap ang operasyon sa nakaraang dalawang linggo, na tumutok sa mga eskuwelahan sa Regions 3, 4A, at Metro Manila.
Kinumpirma ni LTO chief Vigor Mendoza ang suspension, at sinabing naglabas sila ng show-cause orders para bigyan ng pagkakataon ang mga eskuwelahan na magpaliwanag.
"Suspended muna sila," aniya sa isang press briefing sa San Juan City.
Sinita rin ni Mendoza ang mga regional LTO officials dahil hindi nila natukoy ang mga iregularidad.
"Ako, nasa central office. Bakit ko nalalaman ang problema dyan sa Batangas o sa Palawan? The more you should know about it. Malapit kayo sa sitwasyon eh,” giit niya.
Nabunyag din ang isang hiwalay na modus na kinabibilangan ng mga online fixer na nagbebenta ng pekeng driver’s license. Ipinakita ang isang suspect na nahuli ng PNP Anti-Cybercrime Group bilang halimbawa.
Nagbabala si Transportation Secretary Vince Dizon na delikado ang mga hindi kwalipikadong driver.
"Pag nakakuha ng lisensya at hindi marunong magmaneho, most likely makakadisgrasya yan. Baka makakapatay pa yan kaya this is no joke (hindi ito biro)," diin niya, na iniugnay ito sa mga nakamamatay na aksidente sa kalsada kamakailan.
Nanindigan si Dizon na magsasampa ng kaso sa mga tiwaling LTO personnel na nakikipagtulungan sa mga fixer.
"Anyone from the LTO na kumukunsinti o nakikipag-sabwatan dito sa mga online fixer na ‘to at iba pang mga fixer ay hindi lang tatanggalin ni Asec. Vigor kundi kakasuhan din at makukulong din kasama nitong mga scammer na ‘to," pahayag niya.
Dagdag ni Mendoza, pwede ring makulong ng 12 taon ang mga bumibili ng pekeng lisensya dahil sa falsification of documents.
Para sugpuin ang ilegal na gawain, nangako ang DOTr at LTO na paiigtingin ang proseso ng pagkuha ng lisensya.
"Pag nahihirapan ang tao … maglalagay na lang sila," pagamin ni Dizon, na binigyang-diin ang pangangailangan ng mas simpleng sistema.
Ipinakikita ng crackdown na seryoso ang gobyerno sa road safety, lalo’t tumataas ang aksidente dahil sa pekeng lisensya.
(Larawan: Land Transportation Office)