Diskurso PH

Microsoft, nagsampa ng kaso laban sa Lumma Stealer malware


Mary Jane Barrera • Ipinost noong 2025-05-22 19:21:43
Microsoft, nagsampa ng kaso laban sa Lumma Stealer malware

Mayo 22, 2025 — Inihayag ng Microsoft (MSFT.O) nitong Miyerkules na nagsampa ng legal na aksyon ang kanilang Digital Crimes Unit (DCU) noong nakaraang linggo laban sa Lumma Stealer, matapos matuklasan na halos 400,000 Windows computers sa buong mundo ang nahawa ng malware na nagnanakaw ng impormasyon sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.

Kilala ang Lumma Stealer sa pagnanakaw ng data mula sa iba't ibang browsers at applications, kabilang na ang mga cryptocurrency wallets, pati na rin sa pag-install ng karagdagang malware, ayon sa isang blog post ng Microsoft.

Sa pamamagitan ng court order mula sa U.S. District Court ng Northern District of Georgia, tinulungan ng DCU ng Microsoft ang “takedown, suspension, and blocking of malicious domains that formed the backbone of Lumma’s infrastructure (Pag-aalis, pagsuspinde, at pag-block ng mga mapanirang domain na bumuo sa pangunahing istruktura ng Lumma),” paliwanag ng blog.

Sa parehong araw, inihayag ng U.S. Department of Justice na na-seize nila ang limang internet domains na konektado sa mga cybercriminal na nagpapatakbo ng LummaC2 malware service. Kasalukuyang iniimbestigahan ng FBI’s Dallas Field Office ang kaso.

Tungkol sa sitwasyon, sinabi ng Microsoft sa hiwalay nilang blog post na “The growth and resilience of Lumma Stealer highlight the broader evolution of cybercrime and underscores the need for layered defenses and industry collaboration to counter threats (Ang paglago at tatag ng Lumma Stealer ay nagpapakita ng mas malawak na pag-unlad ng cybercrime at nagpapalakas ng pangangailangan para sa maraming antas ng depensa at pagtutulungan ng industriya upang labanan ang mga banta).”

Larawan: Praswin Prakashan/Unsplash