Pilipinas, umaangat bilang pinakamalakas na ekonomiya sa Timog-Silangang Asya

HUNYO 9, 2025 — Ayon sa DBS Bank ng Singapore, nakahanda nang manguna ang Pilipinas sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya habang bumababa ang inflation at lumalakas ang piso. Itinutuloy pa rin ng bangko ang target na 6,900 para sa Philippine Stock Exchange Index (PSEi) sa pagtatapos ng taon, dahil sa pagganda ng kalagayan ng ekonomiya.
Bumagsak sa 1.3% ang inflation noong Mayo — pinakamababa sa loob ng limang taon — habang umakyat naman sa 55.62 laban sa dolyar ang piso noong nakaraang linggo. Inaasahan pa ng mga analyst, kasama ang MUFG Bank ng Japan, na lalong lalakas ang piso, at posibleng umabot sa 54.50 sa unang bahagi ng 2026.
Binigyang-diin ng DBS na nagbibigay-daan ang mga trend na ito para bawasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates, na magpapasigla sa market sentiment.
"We believe these developments set the stage for a constructive Philippine equity backdrop in [the second half of 2025]," sabi ng bangko.
(Naniniwala kami na magbibigay daan ang mga pagbabagong ito para sa isang maayos na kalagayan ng equity market ng Pilipinas sa ikalawang bahagi ng 2025.)
Nanatiling pinakamalakas sa rehiyon ang growth outlook ng bansa sa 5.8% para sa 2025, mas mataas kaysa sa Singapore (2%), Thailand (1.8%), at Indonesia (4.8%). Hindi tulad ng mga kapitbahay nito na umaasa sa kalakalan, mas matatag ang domestic-driven economy ng Pilipinas laban sa global shocks.
Kahit may banta ng taripa mula sa US, inaasahang minimal lang ang epekto sa bansa. Exempted sa mga panukalang taripa ang mga pangunahing export tulad ng semiconductors — na may $5.3 bilyong trade surplus sa US.
Matatag din ang corporate earnings, at inaasahang tataas ng 11% ang kita ng mga kumpanyang nakalista sa PSEi ngayong taon.
"Key sectors — banks, utilities, property, and conglomerates — are largely shielded from external trade shocks," sabi ng DBS.
(Ang mga pangunahing sektor — bangko, utilities, property, at conglomerates — ay halos protektado mula sa external trade shocks.)
Sa paborableng inflation, matatag na piso, at malakas na domestic demand, namumukod-tangi ang Pilipinas bilang pinaka-promising na merkado sa Timog-Silangang Asya.
(Larawan: Philippine News Agency)