P200 dagdag-sahod, malabo pa raw — hindi man lang pinag-usapan sa LEDAC

HUNYO 10, 2025 — Ibinunyag ni Senate President Francis Escudero na hindi isinaprioridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang mga panukalang dagdag-sahod, na nagdulot ng agam-agam sa posibilidad nitong maipasa. Binubuo ng mga pinakamataas na opisyal ng gobyerno ang LEDAC para itakda ang economic agenda ng administrasyon — pero hindi man lang napag-usapan nang pormal ang mga panukalang dagdag-sahod, kasama na ang kontrobersyal na P200 proposal ng House.
Kinuwestyon ni Escudero kung bakit ipinilit ng mga mambabatas sa House ang panukala nang hindi muna ito pinag-usapan sa LEDAC.
"Ipapasa pala nila yan, but hindi bin-ring up sa LEDAC para napag-usapan na, hindi ba? Siguro naman hindi ito maliit na bagay para hindi mo lang mabanggit o mapag-usapan. Ano to? Napag-isipan lamang pagkatapos ng LEDAC?" aniya.
Nauna nang aprubado ng Senado ang mas maliit na P100 wage hike, na may exemption para sa mga micro-businesses na nahihirapan. Iginiit ni Escudero ang pangangailangang pagkasunduin ang magkaibang bersyon pero aminado siyang hindi pa niya napag-aaralan ang House bill.
Nagbabala naman ang dating Senate President Miguel Zubiri na baka magdulot ng masamang epekto ang P200 increase, base sa kanyang pakikipag-usap sa mga negosyante.
“Ang sabi nila, ‘Sen., okay naman sa amin ang P100 pero yung P200 talaga magsha-shutdown o magka-cutdown kami ng tao.’ Mag-AI [artificial intelligence] na lang daw sila, magme-mechanize,” aniya.
Samantala, hiniling ni Senator Joel Villanueva ang transparency mula sa House, dahil hindi pa natatanggap ng Senado ang aprubadong panukala. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng malinaw na paliwanag sa likod ng P200 wage hike, at binalaan na huwag bigyan ng maling pag-asa ang mga manggagawa.
Maingat pa rin si President Marcos Jr., na naghihintay ng economic impact study bago magdesisyon.
(Larawan: Philippine Information Agency)