Pasado na sa US FDA! Mga sarsa ng NutriAsia, makakabalik na sa America

HUNYO 10, 2025 — Ipinahayag noong Lunes ng NutriAsia Inc. na naalis na sa import alert list ng US Food and Drug Administration (FDA) ang mga sikat nitong sarsa — ang Mang Tomas, Jufran, at UFC — matapos i-reformulate ang mga produkto para sumunod sa safety standards.
Kinumpirma sa May 16, 2025 letter ng US FDA na hindi na kailangang i-automatic detain ang mga produkto nang walang inspeksyon. Pero nagbabala ang ahensya na patuloy ang routine monitoring, at maaaring bumalik ang restrictions kung may violations.
“We are very happy with the approval of our petition,” sabi ni NutriAsia president Angie Flaminiano. “I am sure that our Kababayans and the American consumers who have felt the absence of their beloved NutriAsia products are very happy as well.”
(Masaya kami sa approval ng aming petition. Sigurado akong masaya rin ang ating mga kababayan at American consumers na na-miss ang mga paboritong produkto ng NutriAsia.)
Noong October 2024, idinagdag ng FDA ang mga sarsa sa Import Alert 99-45 dahil sa unsafe additives. Agad namang nag-reformulate ang NutriAsia at nagpadala ng bagong versions noon pang August 2024 habang sumasailalim sa review ng FDA.
Iginiit ni Mario Mendoza, head ng international business ng NutriAsia, ang pagsunod sa proseso: “We followed the process and provided the documentation required to properly evaluate the actions we have taken to comply with the standards. With the removal of our products from the red list, consumers who may have missed our products in the past months can now look forward to uninterrupted supplies moving forward.”
(Sinunod namin ang lahat at ibinigay ang dokumentasyon para ma-evaluate ang aming mga hakbang para sumunod sa standards. Ngayong naalis na kami sa red list, makakaasa ang mga consumers na magkakaroon na ulit ng steady supply.)
Matapos ang ilang buwang kawalan ng katiyakan, makakabalik na sa mga istante ang mga sarsang ito. Sa green light ng FDA, inaasahan ng NutriAsia na tuluyan nang magiging available ang mga produkto sa merkado.
(Larawan: NutriAsia | Facebook)