Diskurso PH

Presyo ng palay, bigas target ayusin sa muling pagpapalakas sa NFA


Marijo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-06-10 21:45:18
Presyo ng palay, bigas target ayusin sa muling pagpapalakas sa NFA

HUNYO 10, 2025 — Nananawagan ang Department of Agriculture (DA) sa darating na 20th Congress na ibalik ang mahahalagang tungkulin ng National Food Authority (NFA). Ayon sa kanila, makakatulong ito para maprotektahan ang mga magsasaka laban sa pagsasamantala at mapanatili ang presyo ng bigas.

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kung tatanggalin ang mga restriksyon sa pagbenta ng NFA ng kanilang bigas — kahit 'yung hindi pa luma — mas mapapataas ang kanilang budget para makabili ng mas maraming palay sa mas magandang presyo.

"If the NFA is allowed to sell rice stocks promptly, especially through initiatives like President Marcos’ P20 per kilo rice program, we can reinvest the funds to buy more palay at fairer prices," sabi niya.

(Kung papayagang makapagbenta agad ang NFA ng kanilang bigas, lalo na sa mga programa tulad ng P20 per kilo rice ni President Marcos, magagamit ang pondo para makabili ng mas maraming palay sa patas na presyo.)

Sa ngayon, target ng NFA na doblehin ang procurement budget nila sa 2026 sa P18 bilyon para makabili ng 10% ng pambansang ani at makapag-imbak ng emergency reserves. Naniniwala si Tiu Laurel na kung mas matibay ang suporta ng batas, kaya ng ahensyang bilhin hanggang 30% ng ani, na makakaapekto ng malaki sa farmgate prices.

Noong 2019, binawasan ng Rice Tariffication Law (RTL) ang kapangyarihan ng NFA na mag-import o mag-regulate ng presyo ng bigas, kaya emergency stockpiling na lang ang nagagawa nito. Sinamantala ito ng mga trader, sabi ni Tiu Laurel, kung saan binili nila ang palay sa presyong mas mababa pa sa cost of production.

Gusto ring ibalik ng DA ang regulatory powers ng NFA para maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo at protektahan ang mga consumers.

Sa kasalukuyan, pwede lang mag-auction ang NFA ng lumang bigas o maglabas ng stocks sa panahon ng emergency. Iginiit ni Tiu Laurel na kung ibabalik ang sistema bago ang RTL, mas mapapatibay ang food security at kabuhayan ng mga magsasaka.

Tatalakayin ang proposal na ito kapag nagbalik ang Congress sa Hulyo.

 

(Larawan: Philippine News Agency)