Mas pinalakas na PAL cargo para sa e-commerce boom, mas mabilis na global shipments

HUNYO 17, 2025 — Inilabas ng Philippine Airlines (PAL) ang bagong brand para sa freight division nito — ang PAL Cargo — bilang bahagi ng strategic shift patungo sa digital logistics at mas malawak na market reach. Layunin nitong gawing mas madali ang shipping para sa mga negosyante, korporasyon, at exporter habang isinasama ang modernong tech solutions.
Binigyang-diin ni Jason Siy, PAL vice president for cargo, na ang in-update na cargo division ay idinesenyo para palakasin ang trade sa pamamagitan ng pag-adapt sa digital economy. Nag-aalok ito ng flexible logistics solutions para suportahan ang maliliit hanggang malalaking negosyo sa local at global markets.
Humahawak ang PAL Cargo ng iba’t ibang klase ng shipments — mula sa gamot, perishable goods, hanggang sa high-value items at e-commerce parcels. Ginagarantiyahan ang safe deliveries sa pamamagitan ng strict protocols, kasama na ang IATA-compliant pet transport at secured escorts para sa premium cargo. Pinaprayoridad ang high-value items sa loading at unloading, at may dedicated security para sa charter flights.
Pinapalawak din nito ang accessibility para sa maliliit na negosyo sa pamamagitan ng partnerships sa logistics firm na Airspeed at Department of Trade and Industry (DTI). Inaasahan ang pormal na partnership sa DTI sa loob ng ilang buwan.
"Even in areas we don't currently fly to, our global partnerships allow us to extend our services and connect their businesses to the world," dagdag ni Siy.
(Kahit sa mga lugar na hindi pa namin nararating, ang aming global partnerships ay nagbibigay-daan para ma-extend ang aming serbisyo at ikonekta ang kanilang negosyo sa buong mundo.)
Kasama sa mga upcoming features ang mobile-friendly booking platform, Port-to-Door delivery option, at integration sa PAL’s Mabuhay Miles loyalty program — kung saan makaka-earn ng miles ang clients mula sa cargo shipments.
May hubs ang PAL Cargo sa Manila, Clark, Cebu, at Davao, na nagbibigay ng end-to-end logistics sa Pilipinas at overseas. Ipinapakita ng overhaul na ito ang push ng airline para i-modernize ang freight services habang tumataas ang demand sa efficient, tech-driven shipping.
(Larawan: Philippine Airlines)