PBBM balak gawing nationwide ang Kadiwa; mga LGU, tigil gastos na

HUNYO 18, 2025 — Isinapubliko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkules ang plano ng pambansang pamahalaan na tuluyang sagutin ang lahat ng pondo para sa programang Kadiwa ng Pangulo. Layunin nitong palawakin ang epekto nito. Sa kasalukuyan, pinapatakbo ito kasama ang mga lokal na pamahalaan, pero baka buong gastos na ng national government ito sa susunod na taon para mas marami ang makinabang.
“Ang nangyari kasi ngayon, we are in partnership with the LGUs (Local Government Units). Eventually I’m looking at a proposal na next year wala nang contribution ang LGU. Ang contribution lahat sa national government,” pahayag ni Marcos sa BBM Podcast Episode 2.
(Ang nangyayari ngayon, nakikipagtulungan tayo sa mga LGU. Balak ko sa susunod na taon, wala nang hihingin sa kanila. Sagot na ng national government ang lahat.)
Layunin ng hakbang na alisin ang financial burden sa mga lokal na pamahalaan habang pinalalawak ang operasyon.
Nagbebenta ng murang bigas sa ₱20 kada kilo ang mga Kadiwa center sa halos 51% ng populasyon. Binanggit ni Marcos ang plano para mas lumawak pa ito, at target ang nationwide accessibility para maging abot-kaya ang bigas para sa lahat.
Inaasahan din ng Pangulo na tataas ang ani ng palay sa 2025, mula sa 20.06 million metric tons noong nakaraang taon. Aniya, mas mataas na ani ang magpapababa sa production cost nang hindi binabawasan ang farmgate prices.
Tiniyak ni Marcos sa mga magsasaka na mananatiling matatag ang purchasing prices ng National Food Authority. Proteksyon ito para sa kanila laban sa financial pressure, habang kinikilala ang mga hamon sa industriya.
(Larawan: Philippine Information Agency)