PH, magpapatupad ng crypto tax reporting sa 2027 sabay sa pandaigdigang laban sa tax evasion

HUNYO 18, 2025 — Magpapatupad ang Pilipinas ng bagong sistema para subaybayan at buwisan ang mga cryptocurrency transaction simula 2027, kasabay ng pandaigdigang hakbang para pigilan ang tax evasion at illegal na paggalaw ng pera. Kumpirmado ito ni Finance Secretary Ralph G. Recto, na nagsabing kailangang kumilos ang gobyerno habang dumarami ang gumagamit ng digital currencies.
“We need faster and stronger systems for collaboration if we are to beat tax evasion and illicit transactions,” sabi ni Recto.
(Kailangan natin ng mas mabilis at mas malakas na sistema ng pakikipagtulungan kung gusto nating talunin ang tax evasion at illegal na transaksyon.)
Sa ilalim ng Crypto-Asset Reporting Framework (CARF), obligadong magbahagi ng data ang mga tax agency para masigurong nababayaran ang tamang buwis sa crypto.
Magpapalitan ng detalye ng mga transaksyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) sa mga dayuhang tax authority. Kasama ang Pilipinas sa 67 bansa — 10 sa Asya — na magpapatupad ng CARF pagsapit ng 2027 o 2028.
Binigyang-diin ni Finance Undersecretary Charlito Martin R. Mendoza ang pangako ng bansa sa Asia Initiative meeting kamakailan sa Maldives. Dagdag ito sa mga existing na programa sa tax transparency, na nakarekober na ng bilyon-bilyong pisong itinagong kita.
Mula 2009, nakatuklas na ng €24 bilyon sa dagdag na buwis ang global data-sharing measures — kabilang ang offshore probes at voluntary disclosures. Sa 2024 pa lang, umabot na sa €1.9 bilyon ang natukoy, kung saan €1.7 bilyon ay mula sa international information requests.
Sumali ang Pilipinas sa Asia Initiative noong 2023 para paigtingin ang tax enforcement. Habang tumataas ang crypto transactions, sinisiguro ng mga opisyal na mahigpit na monitoring ang susi para maiwasan ang pag-iwas sa buwis at matiyak ang pagsunod sa batas.
(Larawan: Philippine News Agency)