Diskurso PH

PAGCOR vs fake gambling sites: bagong tool para makaiwas sa scam


Marijo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-06-19 13:16:07
PAGCOR vs fake gambling sites: bagong tool para makaiwas sa scam

HUNYO 19, 2025 — Inilunsad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang bagong online tool para matulungan ang mga user na ma-verify ang mga lehitimong gambling website, bilang hakbang laban sa mga pekeng operator. Tinawag itong PAGCOR Guarantee, at magagamit na simula pa noong Miyerkules. Naglalaman ito ng updated na listahan ng mga lisensyadong platform.

Binigyang-diin ni Alejandro Tengco, PAGCOR chairman at CEO, ang mga panganib ng mga unregulated na site.

"Illegal online gaming sites not only endanger players but also erode public trust and deprive the government of vital revenues," aniya.

(Ang mga illegal na online gaming site ay hindi lamang naglalagay sa mga manlalaro sa peligro, kundi nagpapahina rin ng tiwala ng publiko at inaagawan ang gobyerno ng mahahalagang kita.)

Maaaring i-cross-check ng mga user sa site ( www.pagcor.ph/pagcorguarantee ) ang mga operator bago maglaro o mag-deposito.

Dumadami na kasi ang mga pekeng gambling site na nanloloko sa mga player gamit ang rigged na laro o biglan silang nawawala kasama ang mga deposito.

"By providing the public with a quick and accessible way to check a site’s legitimacy, we are empowering them to make informed decisions and avoid falling victim to fraudsters and scammers," dagdag ni Tengco.

(Sa pamamagitan ng pagbibigay sa publiko ng mabilis at madaling paraan para ma-check ang legitimacy ng isang site, binibigyan namin sila ng kakayahang gumawa ng tamang desisyon at maiwasan ang mga scammer.)

Dinidirekta din ng pahina ang mga user sa mga aprubadong platform, para mas madali at secure ang pag-access.

Babala ng PAGCOR, madalas na nilalampasan ng mga illegal site ang safety protocols, na nag-iiwan sa mga player na vulnerable sa data theft o financial loss. Hinimok ng ahensya ang mga bettors na gumamit lamang ng mga verified na platform na nakalista sa bagong portal.

Bahagi ito ng mas malawak na hakbang para paigtingin ang regulasyon sa online gambling sector.

 

(Larawan: PAGCOR  | Facebook)