Diskurso PH

Unang komersyal na paliparan ng Aurora, isang hakbang na lang!


Marijo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-06-19 14:18:44
Unang komersyal na paliparan ng Aurora, isang hakbang na lang!

HUNYO 19, 2025 — Nakuha na ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) ang isang mahalagang 12-ektaryang lupain sa Casiguran, Aurora, na malaking hakbang para gawing ganap na komersyal na paliparan ang kanilang kasalukuyang airstrip.

Kasama sa kasunduan sa mga may-ari ng lupa na sina Edward at Magdalena Chua Cham ang donasyong 5.2 ektarya at ang pagbili ng karagdagang 6.8 ektarya. Tinawag ni APECO President Gil Taway IV ang pagkakasundo bilang "strategic win," dahil nakamura ang gobyerno ng 50% kumpara sa dating presyo ng lupa.

Binigyang-diin ng APECO na hindi lang basta imprastraktura ang proyekto — layunin nitong pasiglahin ang ekonomiya ng Aurora. Ipinakita rin ng partisipasyon ng pamilya Chua Cham ang lumalaking tiwala ng publiko sa kanilang inclusive development strategy.

Inaasahang magiging daan ang paliparan para mas mapadali ang koneksyon sa hilagang-silangang Luzon, mag-akit ng mga investor, pasiglahin ang kalakalan, at buksan ang lokal na turismo.

Giit ni Atty. Edward Chua Cham: "This is our small way of contributing to nation-building. We have seen how determined the current administration and APECO’s leadership are in driving economic development in Aurora. We hope that our gesture encourages others to support projects that aim to uplift communities and boost economic development."

(Ito ang aming munting kontribusyon sa pagbuo ng bansa. Nakita namin ang determinasyon ng kasalukuyang administrasyon at pamunuan ng APECO na pasiglahin ang ekonomiya ng Aurora. Sana’y maging inspirasyon ang aming hakbang para suportahan ng iba ang mga proyektong naglalayong paunlarin ang mga komunidad at ekonomiya.)

Abala na rin ang APECO sa pag-aayos ng mga permit, kasama na ang mahalagang Permit to Operate, matapos inspeksyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong nakaraang buwan.

Sa kasalukuyang plano, malapit nang maging mahalagang gateway ang paliparan — hindi lang para sa Aurora, kundi para sa buong rehiyon.

 

(Larawan: Philippine News Agency)