Trillion March ba o Bahain ang Luneta? Saan ka sa Setyembre 21?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-20 17:42:43
Ngayong Setyembre 21, muling magsasama-sama ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang ipahayag ang kanilang mga paninindigan. Hindi na bago sa ating kasaysayan ang ganitong uri ng pagtitipon sa araw na ito, na madalas ginugunita bilang isang makasaysayang petsa—ang deklarasyon ng Batas Militar. Ngunit ngayong taon, higit pa sa pag-alala, malinaw na ang mga nagbabalak lumahok ay may kanya-kanyang mensahe at direksyong nais iparating.
Apat na lugar sa Metro Manila ang nakatakdang maging sentro ng kilos-protesta: Luneta, EDSA, Liwasang Bonifacio, at Camp Aguinaldo. Ang bawat isa’y may sariling organisador—mga rapper at hip hop artists sa Luneta; ang Makabayan bloc at ilang personalidad mula sa hanay ng dilaw at pula sa EDSA; ang grupong MAISUG sa Liwasang Bonifacio; at mga retiradong opisyal ng militar sa Camp Aguinaldo. Samantala, hindi rin magpapahuli ang mga lungsod sa labas ng Kamaynilaan, tulad ng Davao, Cagayan, at Bacolod, na inaasahang magkakaroon din ng kani-kaniyang pagtitipon.
Ngunit sa kabila ng dami ng entablado, dalawang mukha lamang ng panawagan ang mababanaag.
Ang una, tuwiran at walang paligoy-ligoy: managot ang Pangulo at mga mambabatas na sangkot sa katiwalian. Para sa kanila, ang mga anomalya sa flood control projects, ang krisis sa PhilHealth, ang usapin ng Maharlika Fund, at pati ang diumano’y pagbebenta ng ginto ay malinaw na patunay na ang kasalukuyang liderato ay bigong magbigay ng malinis at tapat na pamamahala. Ang mensahe nila ay walang pasubali: kung hindi kayang ayusin at linisin ang pamahalaan, panahon na para magbago ng liderato. May kongkretong layunin ang kanilang pagkilos—isang panawagang magwakas ang tiwaling pamumuno.
Ang ikalawa, mas maingat at tila nag-iiwas: hindi raw ito tungkol sa pagpapatalsik o pagbibitiw. Ang kanila raw ay simpleng panawagan laban sa korapsyon—isang pahayag ng pagkadismaya ngunit walang tinutukoy na pangunahing pinapanagot. Dito nagiging malabo ang kanilang posisyon: kung walang malinaw na hiling, sino ang inaasahan nilang sasagot? Kung hindi naman humihiling ng pagbabago, anong konkretong hakbang ang inaasahan nilang magaganap pagkatapos ng kanilang pagtitipon? Sa ganitong kalabuan, may panganib na ang kanilang rally ay maging simboliko lamang—parang dasal sa lansangan, imbes na isang makapangyarihang panawagang pampulitika.
Ito ang hamon sa lahat ng nagnanais magpahayag ngayong Setyembre 21: ang linawin ang panawagan. Ang kilos-protesta ay may bigat hindi dahil sa dami ng dumalo, kundi dahil sa linaw ng layunin. Ang mga Pilipino, sawang-sawa na sa paulit-ulit na iskandalo ng katiwalian. Hindi sila naglalakad sa kalsada para lamang maglabas ng hinanakit. Lumalabas sila dahil naghahangad sila ng kongkretong pagbabago—isang pagbabago na dapat ay may malinaw na direksyon at tapang sa panawagan.
Kung ang rally ay walang malinaw na tutunguhin, ito’y magiging ingay lamang na madaling kalimutan. Ngunit kung malinaw at matatag ang kanilang hiling, maaari itong magsilbing mitsa ng mas malawak na kilusan, tulad ng ilang makasaysayang pagtitipon na nagbago ng takbo ng bansa.
Tunay na magiging makulay at masigla ang Setyembre 21 ngayong taon. Ngunit higit sa lahat, ang magtatak sa kasaysayan ay hindi ang dami ng entablado o ang dami ng tao, kundi kung alin sa dalawang panawagan ang mananaig—ang malinaw na sigaw para sa pagbabago, o ang malabong panata na baka mauwi sa tahimik na pagkalimot.