Trillion-Dollar World Economy: Epekto Nito sa Pilipinas at sa Bawat Pilipino

Kapag naririnig natin ang salitang “trillion-dollar global economy,” parang sobrang laki at hirap abutin. Parang pang-malalaking bansa lang ito, gaya ng United States o China, at hindi para sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Pero ang hindi alam ng marami, bawat Pilipino—mula sa simpleng manggagawa hanggang sa OFW, estudyante, o negosyante, ay direktang naapektuhan ng galaw ng pandaigdigang ekonomiya.
Sa ulat ng International Monetary Fund (IMF), tinatayang lumampas na sa $105 trillion ang global economy nitong 2024. Ang pinakamalaking bahagi nito ay galing sa mga bansang may matatag at malawak na industriyal na kapasidad tulad ng U.S. ($28 trillion), China ($17.7 trillion), Japan, Germany, at India. Samantala, ang Pilipinas ay may GDP na nasa $440 billion lamang. Maliit ito kung ikukumpara sa giants, pero hindi ibig sabihin na wala tayong papel o epekto sa kabuuang takbo ng ekonomiya.
Una sa lahat, ramdam natin ang epekto ng global economy sa presyo ng bilihin. Kapag tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, tataas din agad ang presyo ng gasolina sa bansa. Ang taas ng gasolina ay domino effect: tataas ang pamasahe, presyo ng produkto, at serbisyo. Lahat ay maaapektuhan. Hindi rin exempted ang pagkain, lalo na kung imported ito gaya ng bigas, asukal, at trigo. Kaya kahit hindi natin namamalayan, ang nangyayari sa ibang bansa kagaya ng digmaan sa Ukraine o tensyon sa Middle East, ay may diretsong epekto sa pinamimili natin araw-araw.
Pangalawa, konektado rito ang trabaho, lalo na para sa mga OFW. Mahigit 10 milyong Pilipino ang nasa ibang bansa upang magtrabaho. Malaki ang kinikita nila at ipinapadala sa pamilya nila dito sa Pilipinas. Pero ang tanong, anong mangyayari kung biglang bumagsak ang ekonomiya ng pinagtatrabahuhan nila? Halimbawa, kapag may oil crisis sa Middle East o financial crash sa Europa, maraming OFW ang pwedeng mawalan ng trabaho. Hindi lang ito kwento ng “na-layoff”, kabuhayan ng buong pamilya ang naaapektuhan.
Pangatlo, naapektuhan din ang halaga ng piso. Kapag lumalakas ang dolyar, bumababa ang halaga ng piso. Para sa exporters at OFWs, maganda ito kasi mas malaki ang palit. Pero para sa mga importer at consumers, masakit ito. Kapag mahal ang dolyar, mas mahal ang gastos sa pag-angkat ng produkto—kaya tataas na naman ang presyo ng bilihin.
Pang-apat, malaki rin ang epekto nito sa investments. Kapag maganda ang takbo ng global economy, mas bukas ang investors sa paglalagay ng pera sa mga developing countries tulad ng Pilipinas. Pero kapag may uncertainty gaya ng pandemya, tensyon sa geopolitics, o inflation, lumilipat sila sa “safe” economies. Resulta: mas konti ang foreign direct investment, mas konti ang trabaho, mas mabagal ang pag-unlad.
Hindi rin natin pwedeng balewalain ang digital economy. Ang mga bansang may access sa mas mabilis na internet, mas modernong teknolohiya, at mas edukadong workforce ay nakakahatak ng mas maraming oportunidad. Sa Pilipinas, kung hindi natin ayusin ang internet infrastructure, access sa digital skills, at edukasyon, maiiwan tayo sa race ng 21st-century economy. Marami na ring bansa ang umaasa sa AI, automation, at robotics. Kung hindi natin paghahandaan ‘yan ngayon, baka mahirapan tayong makahabol.
Ngayon, anong magagawa natin? Mahalaga ang papel ng gobyerno. Kailangan nitong tiyakin na ang mga polisiya nito ay nakatutok sa long-term resilience—hindi lang panandaliang ayuda. Kailangan ng investment sa education, science and tech, green energy, at infrastructure. Pero hindi lang gobyerno ang may responsibilidad. Tayong mga mamamayan ay may papel din. Kailangan nating palawakin ang ating kaalaman tungkol sa ekonomiya, kahit sa basic level lang. Kailangan nating maunawaan na ang bawat desisyon natin bilang consumer, botante, at manggagawa ay may impact sa malawak na sistemang ito.
Dapat din nating i-challenge ang mga politiko natin. Tanungin natin sila: ano ang plano mo para tulungan ang bansa na sumabay sa global economy? May plano ba silang palakasin ang agrikultura? Modernisahin ang edukasyon? I-expand ang digital infrastructure? Dapat hindi lang puro “jobs, jobs, jobs”—dapat sustainable, inclusive at forward-looking ang vision.
Hindi sapat na tayo’y bahagi lang ng global economy. Dapat maging aktibong kalahok tayo rito. Dahil kung tayo’y laging naghihintay ng ayuda, ng suwerte, o ng balikbayan box, baka manatili tayong nasa laylayan. Pero kung kikilos tayong sabay-sabay—gobyerno, pribadong sektor, at mamamayan—makakahanap tayo ng puwesto sa trillion-dollar world economy, hindi bilang palaging humahabol kundi bilang may ambag at may dignidad.
Larawan mula sa Department of Finance