Diskurso PH

SB19 balik-Binibini para sa ikatlong sunod na taon


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-06-10 15:59:31
SB19 balik-Binibini para sa ikatlong sunod na taon

QUEZON CITY — Muling babalik sa entablado ng Binibining Pilipinas ang P-pop powerhouse na SB19 para sa ikatlong pagkakataon, bilang pangunahing tampok sa Grand Coronation Night ngayong Linggo, Hunyo 15, sa Smart Araneta Coliseum.

“These boys will surely win your hearts, A’TIN! Yes! #SB19 will be on our Coronation Night,” ayon sa anunsyo ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) sa social media, na kinumpirma ang inaabangang performance ng grupo.

Unang tumapak ang SB19 sa entablado ng Binibining Pilipinas noong 2023, nang kanilang inawit ang temang “Win Your Heart.” Muli silang bumalik noong 2024 para sa 60th anniversary ng pageant, kung saan nakasama nila sa entablado ang mga OPM icons na sina Martin Nievera at Gary Valenciano.

Ngayong taon, lilipad mula Bicol ang grupo kung saan sila magtatanghal sa Hunyo 14, isang araw bago ang koronasyon.

Makakasama rin sa selebrasyon bilang hosts ang mga dating kandidata ng Binibining Pilipinas na sina Nicole Cordoves, MJ Lastimosa, Kylie Verzosa, at Maureen Montagne.

Tatlumpo’t anim (36) na kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang maglalaban para sa mga korona ng Bb. Pilipinas International at Bb. Pilipinas Globe, na kasalukuyang hawak nina Myrna Esguerra at Jasmin Bungay.