Diskurso PH

Heatwave sa Europa, 8 patay habang umabot na sa rekord ang temperatura


Marijo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-07-03 16:03:18
Heatwave sa Europa, 8 patay habang umabot na sa rekord ang temperatura

HULYO 3, 2025 — Nakapagtala ng hindi bababa sa walong patay ang matinding heatwave na bumabalot sa Europa, nagdulot ng pagbabawas ng operasyon sa mga nuclear plant, at nagdulot ng wildfires sa iba’t-ibang lugar. Nagbabala ang mga awtoridad na posibleng lumala pa ang lagay ng panahon. Naitala sa Spain, France, at Italy ang mga nasawi habang tumataas nang husto ang temperatura, na nagbunsod ng health alerts at emergency measures.

Naiulat sa Spain ang apat na pagkamatay — dalawang nasunog sa wildfire sa Catalonia, at dalawa pa sa Extremadura at Córdoba. Nasamsam ng apoy ang mga sakahan at nagsunog ng halos 40 km bago ito nakontrol. Kumpirmado naman sa France ang dalawang namatay dahil sa init, habang sa Italy, nag-collapse ang dalawang matanda sa beach ng Sardinia.

Naglabas ng red alerts ang Italy para sa 18 lungsod, habang naghahanda naman ang Germany para sa 40°C (104°F) — ang pinakamainit na araw nila sa taóng ito. 

Pinanatili ng France ang red warnings sa gitnang rehiyon, habang nagbabala si health minister Catherine Vautrin: "In the coming days, we'll see the consequences, particularly on the most vulnerable, and I'm thinking particularly of the elderly." 

(Sa susunod na mga araw, makikita natin ang epekto, lalo na sa mga pinaka-vulnerable, at iniisip ko lalo na ang mga matatanda.)

Nagbawas ng operasyon ang Beznau nuclear plant sa Switzerland dahil sa sobrang init ng ilog na kailangan para mapalamig ang reactors. Samantala, nagdulot ng mudslides ang malalakas na bagyo sa French Alps, na nakaapekto naman sa biyahe ng mga tren.

Ipinapalagay ng mga siyentipiko na dulot ng climate change ang maagang heatwave, kung saan lumilikha ng "heat dome" sa Europa ang pag-init ng karagatan. 

Nagbabala si Inger Andersen ng UN Environment Programme: "Extreme heat is testing our resilience and putting the health and lives of millions at risk." 

(Sinusubok ng matinding init ang ating katatagan at inilalagay sa panganib ang kalusugan at buhay ng milyon-milyon.)

Posibleng tamaan din ng ekonomiya. Ayon sa Allianz Research, maaaring bumagal ng 0.5% ang GDP ng 2025. Katumbas ng kalahating araw na welga ang epekto ng isang araw na 32°C pataas. Nag-ulat na rin ng pagbaba ng kita ang ilang negosyo tulad ng Greggs bakery chain sa UK dahil umiiwas ang mga customer sa outdoor dining.

Mula sa mga saradong landmark tulad ng Eiffel Tower sa Paris hanggang sa punong-punong swimming pools sa Germany, hirap na hirap ang Europa sa pag-adapt. Nakapagtala ng pinakamainit na Hunyo sa buong kasaysayan ang Spain at France, at nagpapakita ito ng isang malagim na "bagong normal."

 

(Larawan: Yahoo)