Diskurso PH
Translate the website into your language:

Patay sa baha sa Texas, higit 100 na; rescue ops, tuloy pa rin sa gitna ng banta ng ulan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-09 14:05:27 Patay sa baha sa Texas, higit 100 na; rescue ops, tuloy pa rin sa gitna ng banta ng ulan

HULYO 9, 2025 — Umabot na sa 104 ang namatay dahil sa malawakang pagbaha sa Texas, ayon sa mga opisyal noong Lunes. Patuloy na nagsasagawa ng rescue operations ang mga tauhan habang inaasahan ang mas marami pang ulan. Kabilang sa mga nasawi ang 28 bata at mga counselor mula sa isang summer camp na tinangay ng rumaragasang Guadalupe River.

Nagbabala si Governor Greg Abbott na hindi pa tapos ang krisis.

"There is still a threat of heavy rain with the potential to cause flooding," aniya, habang nahihirapan ang emergency crews — kasama ang 1,750 personnel — dahil sa lubog na lupa at patuloy na pag-ulan.

(May banta pa ng malakas na ulan na maaaring magdulot ng pagbaha.) 

Plano ni President Donald Trump na bisitahin ang Texas sa Biyernes. Tinawag niya ang trahedyang ito bilang isang "100-year catastrophe" (isang daang-taong malaking sakuna) na "nobody expected" (hindi inasahan ng sinuman). 

Itinanggi ng kanyang administrasyon ang mga paratang na naging hadlang ang budget cuts sa weather agencies para sa maagang babala.

"Blaming President Trump for these floods is a depraved lie, and it serves no purpose during this time of national mourning," pahayag ni White House Press Secretary Karoline Leavitt, na iginiit na nagbigay ang National Weather Service ng "timely and precise forecasts" (napapanahon at tumpak na mga pagtataya).

(Kasinungalingan ang pagbibintang kay President Trump para sa mga bahang ito, at walang silbi ito sa panahon ng pagluluksa.)

Sa Kerr County pinakamatindi ang pinsala, na may 84 na nasawi, kabilang ang 27 mula sa Camp Mystic, isang Christian summer camp para sa mga batang babae. Inilarawan ng mga nakakita ang nakakagimbal na eksena — mga cabin na lubog sa tubig, mga gamit na nalibing sa putik, at mga basag na bintana dahil sa lakas ng baha.

Dumarami rin ang puna sa kakulangan ng advanced warning systems sa flood-prone region, na tinatawag na "Flash Flood Alley."

Ayon sa mga eksperto, pinalalala ng climate change ang ganitong mga sakuna. Umakyat ng 26 talampakan ang tubig sa Guadalupe River — mas mataas pa sa dalawang palapag — sa loob lamang ng isang oras, isang nakakatakot na paalala ng unchecked power ng kalikasan.

Habang tumutulong ang mga volunteer sa recovery, patuloy na umaasa ang mga pamilya ng mga biktima.

"The last message they got was 'We're being washed away,'" kwento ni volunteer Louis Deppe, 62, na tumutulong sa mga magulang na naghahanap sa kanilang dalawang nawawalang anak. "And the phone went dead."

(Ang huling mensahe na natanggap nila ay 'We're being washed away' (Natatangay na kami ng baha). At bigla nang nawala ang signal.)

Habang inaasahan ang mas marami pang ulan, naghahanda ang Texas para sa isang mahaba at masakit na pagbangon.

 

(Larawan: Yahoo)