Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mahigit 1,000 patay sa landslide — Sudan, humihingi ng tulong internasyonal

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-03 01:50:11 Mahigit 1,000 patay sa landslide — Sudan, humihingi ng tulong internasyonal

SUDAN, Setyembre 2 — Isang trahedya ang tumama sa kanlurang bahagi ng Sudan matapos matabunan ng pagguho ng bundok ang buong baryo ng Tarseen sa rehiyon ng Darfur, na ikinasawi ng tinatayang 1,000 katao, ayon sa Sudan Liberation Movement/Army (SLM/A).

Ayon sa grupo, tanging isang tao lamang ang nakaligtas sa trahedya. Bunga ng malakas at walang tigil na ulan, gumuho ang bahagi ng bundok at tinabunan ang buong komunidad. Ang Tarseen, na kilala noon sa produksyon ng citrus, ay tuluyan nang nabura sa mapa.

Nanawagan si Abdelwahid Mohamed Nur, pinuno ng SLM/A, sa United Nations at iba pang pandaigdigang humanitarian agencies na agarang tumulong sa pagkuha ng mga bangkay at pagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga apektado.

Ayon sa United Nations resident coordinator, tinatayang nasa 300 hanggang 1,000 ang bilang ng mga nasawi batay sa ulat mula sa mga lokal. Sa kabila nito, siyam na bangkay pa lamang ang nahuhukay dahil sa hirap ng pagpasok ng mga rescuer dulot ng malakas na ulan at putik.

Pinalala pa ng trahedya ang sitwasyon dahil ang Tarseen ay nagsilbing kanlungan ng mga taong lumikas mula sa dalawang taon nang digmaang sibil sa pagitan ng hukbo ng Sudan at ng Rapid Support Forces (RSF). Libo-libo ang apektado ng gutom, kakulangan sa tirahan, at paglaganap ng cholera outbreak sa ilang bahagi ng Darfur.

Nagpahayag ng pakikiramay ang parehong pamahalaang hawak ng hukbo at ang bagong itinatag na pamahalaan ng RSF, na kapwa nangakong makikipag-ugnayan sa SLM/A para sa paghahatid ng tulong.

Samantala, nagpaabot din ng panalangin at pakikiramay si Pope Leo sa lahat ng biktima at kanilang mga pamilya.

Patuloy namang nakararanas ng matinding ulan at pagbaha ang lugar, dahilan upang mahirapan ang mga rescuers na makarating sa apektadong komunidad. (Larawan: CNN)