Gramma: 141 year old na pagong, pumanaw na sa San Diego Zoo
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-26 22:53:59
SAN DIEGO, California — Pumanaw na ang pinakamatandang residente ng San Diego Zoo sa California—si Gramma, isang Galapagos tortoise na tinatayang 141 taong gulang. Dahil sa kaniyang napakatandang edad, kinailangang isailalim si Gramma sa euthanasia noong Nobyembre 20 dahil sa matinding kondisyon sa mga buto na karaniwang nararanasan ng matatandang pagong.
Mahigit isang siglo na ang nakalipas mula nang dumating si Gramma sa zoo. Hindi tiyak ang eksaktong taon, ngunit tinatayang siya ay nakarating noong 1928 o 1931, dahilan para maging saksi siya sa napakaraming henerasyon ng mga bumisita sa zoo, kabilang ang mga lolo’t lola na nagkukuwento pa sa kanilang mga apo tungkol sa pagbisita kay Gramma noong bata pa sila.
Upang maipakita kung gaano katanda si Gramma, ipinanganak siya 14 taon matapos ideklara ng Pilipinas ang kasarinlan noong 1898 sa Kawit, Cavite.
Kilala ang Galapagos tortoise sa kanilang napakahabang buhay. Karaniwang nabubuhay sila nang mahigit 100 taon sa wild, ngunit maaaring umabot ng halos 200 taon kapag nasa captivity. Ang pinakamatandang naitalang Galapagos tortoise ay si Harriet, na nabuhay hanggang 175 taong gulang sa Australia Zoo.
Sa kabila ng kanilang mahabang buhay, endangered species ang Galapagos tortoise. Mula sa dating populasyon na 250,000, bumaba ito sa tinatayang 15,000 hanggang 25,000 na lamang ngayon dahil sa labis na pangangaso sa nakalipas na mga dekada.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga conservation efforts para maparami muli sila. Nitong Abril, matagumpay na napisa ang apat na baby tortoises sa Philadelphia Zoo, na parehong magulang ay nasa edad na lampas 100.
Sa pagpanaw ni Gramma, nagbigay-pugay ang San Diego Zoo sa isang “tahimik ngunit makasaysayang residente” na naging bahagi ng buhay ng milyun-milyong bisita mula sa iba’t ibang henerasyon. (Larawan: NBC News / Google)
