Gusto mo ba ng fur baby? Aso sa LRT station basang-basa, giniginaw; netizens, naghahanap ng mag-aampon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-29 13:59:00
HULYO 29, 2025 — Isang netizen ang nagbahagi ng larawan ng isang asong nakita sa Dr. Santos LRT 1 Station sa Parañaque City, na naging viral at nag-udyok sa marami na mag-alok ng tulong. Ayon sa post ni Trish Pazon Javier noong Hulyo 24, 2025, ang aso ay basa at nanginginig dahil sa malakas na ulan, at humingi siya ng tulong para ma-rescue ito.
Maraming commuters ang nagpatunay na maamo ang aso at madalas makita sa lugar. May naglagay pa ng payong para protektahan ito mula sa ulan. Base sa mga komento, posibleng may dating may-ari ang aso, ngunit marahil ay iniwan ito sa istasyon. May ilan ring nagsabing may kasama itong iba pang mga aso sa lugar.
Ang post ay umabot na sa 41K reactions at libu-libong shares, kung saan marami ang nagpakita ng interes na ampunin ang aso. May nag-alok pa ng tulong para sa transportation kung may mag-aadopt, habang ang iba ay nagmungkahi ng mga mapagkakatiwalaang rider para maihatid ito.
May isang netizen na nagsabing kung walang owner, willing siyang mag-adopt. "May kayang maghatid dito sa Bacoor? Adopt ko sila."
Hinikayat din ng ilan ang mga dumadaan sa istasyon na bigyan ng pagkain ang aso kung may extra sila. Samantala, may mga nagpahayag ng pagkadismaya sa posibleng dating may-ari nito.
Hanggang ngayon, patuloy ang pagtulong at pagbabahagi ng netizens para matiyak ang kaligtasan ng aso.
(Larawan: Trish Pazon Javier, Dog Lovers Philippines | Faceboook)