Daniel Padilla, susunod na Hari ng Aksyon? Bagong pelikula, pasabog!
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-31 09:13:33
MANILA — Inihayag ni Kapamilya actor Daniel Padilla na kasalukuyan siyang naghahanda para sa isang bagong pelikula, na posibleng magpatuloy sa kanyang pagiging action star matapos ang matagumpay na seryeng Incognito.
Sa panayam ng Abante nitong Hulyo 30, sinabi ni Daniel, “Very soon. May niluluto ako after ‘Incognito.’ Miss na miss ko na gumawa ng pelikula. Masaya ang series pero my heart nasa pelikula.”
Dagdag pa niya, “Nandito ang momentum natin ngayon. I really do enjoy action. After ‘Incognito,’ ang hirap bumalik.”
Bagama’t bukas pa rin siya sa paggawa ng romantic-comedy films, nilinaw niyang mas pinaghahandaan niya ngayon ang pelikulang aksyon. “I’ve had my share of romcoms… Kung maganda naman at sobra ako nagandahan, why not? I love that genre,” paliwanag niya.
Ang bagong proyekto ay kasunod ng kanyang pagganap bilang Andres Malvar, alyas “Wolf,” sa Incognito, isang action-drama series ng ABS-CBN na nagtampok din kina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila Estrada, Maris Racal, at Anthony Jennings. Sa nasabing serye, sumailalim si Daniel sa dalawang buwang training sa martial arts na Pekiti upang maging makatotohanan ang mga eksena. “Nagtraining kami. We had two-three months of training before doing this. Talagang pinaghandaan nang maigi, siyempre ayaw nating magmukhang nagpapanggap doon. Gusto natin totoo lahat,” aniya.
Matapos ang tagumpay ng Incognito, kinilala si Daniel bilang Outstanding Asian Star sa 2025 Seoul International Drama Awards. “Big congratulations to Daniel Padilla for earning global recognition as the Philippines’ Outstanding Asian Star at the 2025 Seoul International Drama Awards for his performance in Incognito! Your talent continues to shine on the world stage — we’re proud of you, DJ!” ayon sa opisyal na pahayag ng ASAP noong Hulyo 25.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Senador Robin Padilla sa kanyang pamangkin. “Napakagaling mo, pamangkin… Ang tikas mo, pamangkin. Sigurado ako na proud sa iyo ang mga action star na tatay mo, Lolo Pempe at Uncle Daboy. Saludo ako sa ’yo, pamangkin,” ani Robin sa isang social media post, sabay mungkahi ng Mistah 2 bilang susunod na pelikula ni Daniel.
Bagama’t hindi pa isinasapubliko ang detalye ng bagong pelikula, tiniyak ni Daniel na ito ay “pinaghahandaan nang maigi” at “pinaka-magandang project para sa akin.” Patuloy ang kanyang pag-angat bilang isa sa mga pinakakilalang aktor sa larangan ng aksyon at drama sa bansa.