Ang pagbabalik ng king of food vlogging: Joseph the explorer, tinanghal na number 1 food vlogger ng 2025
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-06 08:51:16
MANILA, Pilipinas — Isang makapangyarihang pagbabalik ang ipinamalas ni Joseph the Explorer ngayong 2025 matapos niyang muling masungkit ang titulo bilang Number 1 Food Blogger of the Year, matapos ang isang taon na pagkalaglag sa unang pwesto.
Noong 2024, pumangalawa lamang si Joseph kay Kamangyan Vlogs sa mundo ng food vlogging. Ngunit ngayong taon, bumangon siya at ipinakita kung bakit siya tinaguriang “Comeback King” sa digital content scene.
Hindi maikakaila ang impluwensya ni Joseph sa social media, partikular na sa Facebook. Ayon sa datos, siya ang ika-9 na pinakatinanong page sa buong Pilipinas noong 2024, at ika-12 sa may pinakamaraming followers, patunay sa patuloy na paglaki ng kanyang fan base. Hindi rin siya nagpahuli sa mga content creator ng bansa, matapos niyang makuha ang ika-24 na pwesto sa Top 100 Filipino Content Creators ng 2024 — isang karangalang sumasalamin sa kanyang husay at katanyagan.
Kahit madalas ay pasulyap-sulyap lamang ang kanyang mukha sa camera, ramdam na ramdam pa rin ang presensya ni Joseph sa kanyang mga tagasubaybay. Bukod sa de-kalidad na content at world-class na video editing, mas pinupuri siya ng marami dahil sa kanyang bukas-palad na puso, lalo na sa mga kabataang kanyang tinutulungan. Sa bawat vlog na kanyang inilalabas, makikita ang kanyang malasakit—madalas niyang ibinabahagi ang mga nilulutong pagkain sa mga bata sa kanilang komunidad.
Ngayong 2025, hindi lang siya nagningning sa larangan ng food vlogging. Nakamit din niya ang ika-20 pwesto sa Top Video Editors of the Year, at ika-17 sa Best in Lifestyle Awardees—patunay na si Joseph the Explorer ay higit pa sa pagiging isang vlogger. Isa siyang alagad ng sining, tagapagsalaysay ng totoong buhay, at isang modelo ng kabutihang loob sa modernong panahon.
Sa kabila ng pagiging low-profile sa kanyang personal na imahe, isa si Joseph sa pinakapinapanood, inaabangan, at hinahangaan ngayon sa digital world. Tunay nga, ang kanyang tagumpay ay hindi lamang base sa dami ng views, kundi sa kalidad ng puso sa likod ng kanyang bawat content.
(Source: Pinoy History fb)
(Larawan: Joseph the Explorer Fb)