G-Dragon at YG Founder, iniimbestigahan sa isyu ng copyright
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-15 12:21:36
Iniimbestigahan ngayon ng pulisya sa Seoul ang kilalang K-pop idol na si G-Dragon at ang dating pinuno ng YG Entertainment na si Yang Hyun-suk dahil sa reklamo ng umano’y paglabag sa copyright. Ang reklamo ay isinampa ng isang composer na kinilalang “Mr. A” noong Nobyembre 2024. Ayon sa kanya, ginamit umano ng YG ang kanyang awitin na nakarehistro pa noong 2001 nang walang pahintulot.
Sinabi ni Mr. A na ang kanyang kanta na may pamagat na “G-DRAGON” ay ginamit sa isang mash-up performance at pinalitan ng pamagat na “My Age Is 13” sa live album ni G-Dragon na Shine a Light noong 2010. Ipinunto niya na hindi siya binigyan ng pahintulot o kabayaran para rito.
Kamakailan, nagsagawa ng search operation ang pulisya sa punong tanggapan ng YG Entertainment sa Mapo District, Seoul. May mga ulat din na sinugod ang opisina ng Korea Music Copyright Association (KOMCA), ngunit nilinaw ng KOMCA na hindi sila ni-raid at nananatiling nakalista si Mr. A bilang orihinal na composer at lyricist ng kanta.
Mariing itinanggi ng YG Entertainment ang akusasyon. Paliwanag nila, nagkaroon lamang ng kalituhan sa pamagat ng kanta habang naghahanda para sa concert noong 2009 dahil may dalawang awitin na magkapareho ang pamagat. Wala umanong ginawang ilegal na paggamit ng musika.
Ayon sa ilang eksperto sa batas, mahirap patunayan ang direktang paglabag sa copyright kung pamagat lang ng kanta ang nabago. Ngunit posibleng pumasok ito sa isyu ng “moral rights” ng composer, kung saan bawal baguhin ang pamagat o anyo ng isang obra nang walang pahintulot.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya. Kapag napatunayang may basehan ang reklamo, maaaring humantong ito sa kaso sa korte na susubok sa hangganan ng proteksyon ng musika sa K-pop industry.