“‘My Daughter Is a Zombie,’ bumasag ng box office records sa South Korea, malapit nang mapanood sa PH Cinemas”
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-16 14:25:16
South Korea - Patuloy ang pag-aani ng tagumpay ng pelikulang My Daughter Is a Zombie sa South Korea matapos itong makapagtala ng bagong record sa box office ngayong 2025. Sa loob lamang ng 11 araw mula nang opisyal na ipalabas, umabot na agad ito sa 3 milyong admissions, dahilan para maging pinakamabilis na pelikula ngayong taon na nakapagtala ng naturang bilang.
Hindi nagtagal, sa loob ng 14 na araw, lumampas pa ang pelikula sa 3.5 milyong viewers habang matatag na nananatili sa No. 1 spot sa Korean box office. Ang patuloy na dagsa ng manonood ay patunay ng malakas na hatak ng kwento at ng kakaibang timpla ng comedy, drama, at zombie genre na dala ng pelikula.
My Daughter Is a Zombie ay umiikot sa nakakaaliw ngunit emosyonal na kwento ng isang ama at ng kanyang anak na naging zombie. Sa halip na puro takot at karahasan ang ihatid, ipinapakita ng pelikula ang kakaibang pananaw sa ugnayan ng pamilya, pagmamahal ng magulang, at kung paano manatiling buo ang samahan kahit sa gitna ng kakaibang sitwasyon.
Dahil dito, mabilis itong naging usap-usapan hindi lamang sa South Korea kundi maging sa international film community. Maraming manonood ang pumuri sa kakaibang konsepto at sa mahusay na pagganap ng mga cast na nagbigay ng balanse sa saya, emosyon, at kakaibang twists ng pelikula.
Magandang balita rin para sa mga Pinoy fans dahil #ComingSoon na rin ito sa mga sinehan sa Pilipinas. Aasahan na magiging isa ito sa mga pinakapinapanabikang Korean films na mapapanood ngayong taon sa bansa, lalo na’t malakas ang suporta ng mga Pilipino sa Korean movies at dramas.