Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘May magbabalik ba ng mga ninakaw nila?’ — Pahayag ni Regine Velasquez patungkol sa korapsyon sa bansa

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-29 00:57:33 ‘May magbabalik ba ng mga ninakaw nila?’ — Pahayag ni Regine Velasquez patungkol sa korapsyon sa bansa

MANILA — Tila hindi na napigilan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na mga usapin ng katiwalian sa gobyerno. Sa isang post sa X nitong Linggo, Setyembre 28, direkta niyang tinanong kung kailan nga ba mananagot ang mga sangkot sa malalaking kaso ng korapsyon.

“May magbabalik ba ng mga ninakaw nila?” saad ng sikat na mang-aawit, sabay banat kung kailan magkakaroon ng tunay na hustisya para sa mamamayan. Tinapos niya ang kanyang pahayag ng isang maikling panalangin: “Lord, save us.”

Agad na nagdulot ng samu’t saring reaksyon ang kanyang komento mula sa mga netizen. May ilan na nagbalik-tanaw sa malalaking eskandalo gaya ng Pork Barrel Scam at Pharmally issue kung saan halos walang napanagot nang seryoso. May iba namang nagpahayag ng galit sa mga opisyal na inuuna umano ang sariling bulsa habang milyon-milyong Pilipino ang nagdurusa araw-araw para lamang mabuhay.

Ilan ding ordinaryong mamamayan ang nagbahagi ng personal na karanasan—mula sa matagal nang paghihintay ng flood control projects sa Bulacan hanggang sa bigat ng pagbabayad ng buwis habang nananatiling hindi naibabalik ang mga nakaw na pondo.

May isang user na nagkomento na sanay na raw ang mga pulitiko sa “pagmamaniobra” ng taumbayan, samantalang isa pa ang nagsabing tila wala nang magbabago.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpahayag ng sama ng loob si Velasquez laban sa katiwalian. Nitong mga nakaraan, kinuwestyon din niya ang magkaibang pamantayan sa pagitan ng ordinaryong mamamayan at mga tiwaling opisyal—kung saan hirap ang karaniwang tao sa pagkuha ng loan o pondo dahil sa maraming rekisitos, habang ang mga nasa poder ay tila napakadaling makakuha ng malalaking halaga nang walang kahirap-hirap.

Para kay Regine, malinaw ang tanong: kailan nga ba magkakaroon ng hustisya at pananagutan sa pera ng bayan? (Larawan: Google)