Diskurso PH

Mga gawain ng Katoliko sa panahon ng Paschal Triduum


Mary Jane Barrera • Ipinost noong 2025-04-15 19:46:40
Mga gawain ng Katoliko sa panahon ng Paschal Triduum

Abril 15, 2025 — Nagbibigay-daan ang Paschal Triduum, o mas kilala bilang Easter Triduum, sa isang taimtim na apat na araw na paggunita sa Pasyon, Kamatayan, at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Ito ang rurok ng Kuwaresma at nagsisilbing daan patungo sa masayang selebrasyon ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa Easter Vigil.

Bagama’t tinatawag itong “three-day observance,” paliwanag ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo na apat talaga ang araw ng pagdiriwang ayon sa sinaunang tradisyon ng pagbibilang ng araw mula takipsilim hanggang takipsilim. “Thus, the first day of the Holy Triduum is from sunset of Holy Thursday to sunset of Good Friday. The second day is from sunset of Good Friday to sunset of Holy Saturday. And the third day is from sunset of Holy Saturday to sunset of Easter Sunday (Kaya naman, ang unang araw ng Holy Triduum ay mula sa paglubog ng araw ng Holy Thursday hanggang sa paglubog ng araw ng Good Friday. Ang ikalawang araw ay mula sa paglubog ng araw ng Good Friday hanggang sa paglubog ng araw ng Holy Saturday. At ang ikatlong araw ay mula sa paglubog ng araw ng Holy Saturday hanggang sa paglubog ng araw ng Easter Sunday),” ayon sa kanyang essay na Memories of Holy Week, inilathala ng CBCP News nitong Marso 2024.

Huwebes Santo

Chrism Mass

Karaniwang ginaganap tuwing umaga ng Huwebes Santo ang Chrism Mass, na nagpapakita ng pagkakaisa ng obispo at mga pari sa kanyang diyosesis. Sa misa na ito, pinangungunahan ng obispo ang concelebration kasama ang mga pari at kinokonsagra niya ang sacred chrism—ang langis na ginagamit sa binyag, kumpil, at ordinasyon. Binabasbasan din niya ang langis ng mga catechumen (mga naghahanda sa pagbinyag) at langis para sa mga maysakit.

Dito rin inuulit ng mga pari ang kanilang pangakong isinumpa noong ordinasyon, bilang tanda ng kanilang katapatan at pagsunod sa kanilang obispo.

Paghuhugas ng Paa

Sa hapon, ginugunita ng Simbahan ang Huling Hapunan ng Panginoon kasama ang mga apostol. Isa sa mga tampok sa misa ay ang Washing of the Feet—isang makapangyarihang simbolo ng kababaang-loob at paglilingkod.

Ngayong taon, maghuhugas ng paa si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ng mga taong kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Ayon sa Archdiocese of Manila, “This act aligns with the spirit of the Jubilee Year of Hope, which calls us to recognize and nurture the hope present in every person we encounter (Ang batas na ito ay sumasalamin sa diwa ng Jubilee Year of Hope, na nag-aanyaya sa atin na kilalanin at pagyamanin ang pag-asa na nasa bawat taong ating nakakasalamuha).”

Visita Iglesia

Isa pang mahalagang tradisyon tuwing Semana Santa ay ang Visita Iglesia, kung saan bumibisita ang mga deboto sa pitong simbahan upang manalangin at magnilay. Ang iba pa nga, 14 simbahan ang dinadaanan—tugma sa bilang ng mga Stations of the Cross. Madalas itong gawin ng grupo, at pinaniniwalaang may dalang biyaya sa mga nakakatapos.

Para sa taong ito, naglabas ng pitong rekomendadong ruta ang pamahalaang lungsod ng Quezon City para sa mga nagnanais mag-Visita Iglesia. Bukas din sa mga deboto ang ilang mga kilalang pilgrim sites sa Batangas, Cavite, at Bohol.

Biyernes Santo

Siete Palabras

Sa Biyernes Santo, inaalala ang Siete Palabras o ang Pitong Huling Wika ni Hesus habang Siya ay nakapako sa krus. Ang mga makapangyarihang salitang ito ay matatagpuan sa mga Ebanghelyo nina San Lucas, San Mateo, at San Juan:

  • Father, forgive them, for they do not know what they are doing.
  • Today, you will be with me in paradise.
  • Woman, behold, your son.
  • My God, my God, why have you forsaken me?
  • I am thirsty.
  • It is finished.
  • Father, into your hands I commit my spirit.

Ngayong taon, muling isasagawa ng Dominican Province of the Philippines ang taunang Siete Palabras sa National Shrine of Our Lady of the Rosary na may temang “Krus ni Hesus: Bukal ng Pag-asa.”

Sabado de Gloria

Easter Vigil

Ang Easter Vigil na ginaganap bago magbukang-liwayway ng Linggo ng Pagkabuhay ang nagtatapos sa Paschal Triduum. Ito ay isang dakilang misa ng pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo at paanyaya sa bawat isa na muling manalig sa pangako ng buhay na walang hanggan.

Sa misa, sinisindihan ng pari ang Paschal Candle—na sumasagisag sa liwanag ni Kristo na nagpapalayas ng dilim sa ating mundo at sa ating puso.

Nagpaalala naman si Missionary Dominican priest Fr. Paul Raegan Talavera sa kahalagahan ng pagdalo sa misa ng muling pagkabuhay. “Huwag natin kakalimutan yung resurrection. Yung ibang mga tao, napapako sa Good Friday at saka sa Visita Iglesia, etc., na kapag Easter Sunday, hindi na nagsisimba. Hindi na nagigising,” ani niya sa GMA News Online.

"Kumbaga, namatay ka kasama ni Kristo, kailangan mabuhay ka rin kasama ni Kristo. So, tapusin natin hanggang Easter. We celebrate Easter Sunday," aniya.

Nauna nang inilabas ng Archdiocese of Manila ang kumpletong iskedyul ng mga ritwal para sa Mahal na Araw at Paschal Triduum ngayong taon, na nag-aanyaya sa lahat ng mananampalataya na lubos na yakapin at tapusin ang espirituwal na paglalakbay mula sa Krus patungo sa Muling Pagkabuhay.

Larawan: nambitomo/Canva