Diskurso PH
Translate the website into your language:

Vice City comeback maaantala; GTA VI release date nireschedule ng Rockstar

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-07 08:39:36 Vice City comeback maaantala; GTA VI release date nireschedule ng Rockstar

MANILA — Para sa mga gamer na matagal nang naghihintay, mukhang kailangan pang magdagdag ng kaunting pasensya. Inanunsyo ng Rockstar Games na ang inaabangang Grand Theft Auto VI (GTA VI) ay muling naantala, at ngayon ay nakatakdang ilunsad sa Nobyembre 19, 2026.

Oo, isang buong taon pa ang hihintayin — pero ayon sa Rockstar, may magandang dahilan. Sa kanilang pahayag, sinabi ng kumpanya:

“We are sorry for adding additional time to what we realize has been a long wait, but these extra months will allow us to finish the game with the level of polish you have come to expect and deserve.”

Ang dating petsa ng paglabas ay Mayo 2026, matapos itong unang ianunsyo para sa Fall 2025. Pero ayon kay Take-Two CEO Strauss Zelnick, seryoso sila sa bawat petsang inilalabas:

“When we set a date, we really do believe in it. We’re not just setting dates that we think we might not hit.”

Sa kabila ng pagkaantala, nananatiling mataas ang excitement sa GTA VI. Ang laro ay inaasahang magdadala ng mga manlalaro sa Leonida, isang kathang-isip na estado na hango sa Florida, at magbabalik sa iconic na Vice City. Ipinangako ng Rockstar na magiging isa itong “blockbuster entertainment experience” na magtatakda ng bagong pamantayan sa open-world gaming.

Ilalabas ang GTA VI sa PlayStation 5 at Xbox Series X|S, habang wala pang kumpirmasyon kung kailan ito magiging available sa PC.

Para sa mga fans, ang tanong: sulit ba ang paghihintay? Kung pagbabasehan ang track record ng Rockstar — mula sa Red Dead Redemption 2 hanggang sa GTA V — mukhang oo. Sa ngayon, maghanda na lang muna ng snacks, mag-replay ng lumang GTA, at magbilang ng araw hanggang Nobyembre 2026.

Larawan mula Rock Star Games