Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Noong bata ako, naging biktima ako ng molestya mula sa tatay ko’ — Jona, buong tapang na inamin ang madilim na bahagi ng kanyang kabataan

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-26 23:40:45 ‘Noong bata ako, naging biktima ako ng molestya mula sa tatay ko’ — Jona, buong tapang na inamin ang madilim na bahagi ng kanyang kabataan

October 26, 2025 – Matapang na hinarap ng tinaguriang Fearless Diva na si Jona ang isa sa pinakamabigat na sikreto ng kanyang buhay sa panayam ni Toni Gonzaga sa programang Toni Talks nitong Linggo. Sa unang pagkakataon, binuksan ni Jona ang madilim na bahagi ng kanyang pagkabata—ang pagiging biktima umano ng pang-aabuso ng sarili niyang ama.

Ayon sa Kapamilya singer, masaya raw ang simula ng kanyang pagkabata sa Marikina. Bata pa lang siya ay madalas na siyang kumakanta sa simbahan at sinusuportahan ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ina. Pero unti-unti raw nagbago ang lahat nang magsimulang magkaroon ng sigalot sa pagitan ng kanyang mga magulang.

“Noong una, puro tawanan lang sa bahay, pero bigla na lang nagbago. Naririnig ko na ‘yung mga sigawan, kalabugan sa kwarto… at doon ko unang naramdaman na hindi na masaya ang tahanan namin,” emosyonal na pagbabalik-tanaw ni Jona.

Sa edad na 10 taong gulang, tuluyan nang nag-iba ang mundo ni Jona. Umalis daw noon ang kanyang ina, at doon nagsimula ang pinakamasakit na kabanata ng kanyang buhay.

“Unang beses niya akong pinasok sa kwarto, tanghali iyon. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Frozen lang ako. Hindi ko alam kung sisigaw ba ako o tatakbo,” maluha-luhang pahayag ng mang-aawit.

Hindi na idinetalye ni Jona ang nangyari, ngunit inamin niyang ilang ulit na naganap ang pangmomolestya. Mas lalo pa raw siyang nalugmok dahil tila walang nakapansin sa loob mismo ng kanilang tahanan. Wala raw siyang pinagsabihan, ni ang mga kapatid niya ay walang alam.

“Parang walang nangyari. Tuloy lang ang buhay. Siya nagtatrabaho, ako naman tuloy lang sa pagkanta. Pero sa loob ko, wasak na wasak na ako,” dagdag pa ng singer.

Dahil sa trauma, naging tahimik at introvert si Jona habang lumalaki. Inamin din niyang sa kanyang teenage years ay naging “lost” siya at hinanap ang validation mula sa ibang tao. Ngunit kalaunan, natutunan niyang tanggapin at iproseso ang kanyang pinagdaanan, lalo na nang makilala niya ang kanyang talent manager na itinuring niyang pangalawang ina.

“Doon ako unang nag-open. Doon ko unang nasabi lahat. At doon din nagsimula ang healing ko,” ani Jona.

Nang tanungin ni Toni kung kailan niya na-realize na mali ang nangyari, sagot ni Jona, “Late bloomer ako. Pinilit kong kalimutan, pero dumating din ‘yung panahon na kailangan ko na talagang harapin ‘yung sakit para gumaling.”

Sa pagtatapos ng panayam, hindi maitago ni Toni ang paghanga sa tapang ni Jona. Ayon sa singer, ngayon niya lang lubos na naunawaan kung bakit tinatawag siyang Fearless Diva.

“Ngayon ko lang narealize kung bakit ako tinawag na ‘Fearless Diva.’ Kasi natutunan kong tumayo kahit ilang beses akong nadapa. Natutunan kong harapin ‘yung mga sugat ng nakaraan at gawing lakas,” emosyonal niyang sabi.

Bagama’t mabigat ang kanyang karanasan, ipinahayag ni Jona na handa pa rin siyang patawarin ang kanyang ama—isang hakbang na aniya’y mahalaga para tuluyang makalaya mula sa bigat ng nakaraan.

Muling pinatunayan ni Jona na hindi lang sa entablado siya fearless. Maging sa totoong buhay, dala niya ang tapang at inspirasyong nagbibigay-lakas sa mga babaeng nakaranas ng parehong sakit.

“Ngayon, hindi ko na kailangang itago. Isa ‘to sa mga dahilan kung bakit ako naging ako ngayon,” pagtatapos niya.

Nakilala si Jona bilang Jonalyn Viray, ang unang kampeon ng Pinoy Pop Superstar noong 2004. Ngayon, bukod sa kanyang powerful vocals, mas hinahangaan na rin siya ng publiko bilang simbolo ng katapangan, pagpapatawad, at pagbangon.

Larawan mula sa Toni talks Youtube