Senior Citizen, Tinaga ng Kapitbahay Dahil sa Videoke
Lovely Ann L. Barrera Ipinost noong 2025-02-21 10:17:58
Isang senior citizen mula sa Rodriguez, Rizal ang kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon matapos umano itong pagtatagain ng kanyang kapitbahay dahil sa isang violenteng alitan na may kinalaman sa videoke noong Martes ng gabi.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), parehong lasing ang dalawang magkapitbahay na matagal nang may alitan nang maganap ang insidente. Ibinahagi ni Rodriguez Police Chief PLtCol. Paul Sabulao na ang kaguluhang ito ay nag-ugat mula sa matagal nang tensyon sa pagitan ng dalawa.
“Ayon doon sa witness natin, matagal ng magkaaway ang magkapitbahay na ito. Itong pangyayari namang ito, parehong nag-iinuman, may videoke sa kabila at may videoke rin sa kabila,” sabi ni Sabulao. "Sa side ng suspek, kinainggitan siya dahil nakabili rin sila ng videoke. Ito 'yung pinag-ugatan ng away, kesyo malakas ang sounds doon sa kabila, at malakas din dito, ito 'yung sinasabi ng witness."
Ayon sa mga saksi, ang alitan ay lumala nang magsimulang magtalo ang suspek dahil sa inggit sa bagong videoke na binili ng kanyang kapitbahay. Nagkaroon ng sigalot dahil sa malalakas na tunog ng musika mula sa parehong panig. Inilarawan ng mga saksi ang suspek bilang agresibo sa pag-aaway na humantong sa nakakalungkot na insidente.
Narekober ng mga pulis ang apat na patalim mula sa lugar ng insidente, kabilang na ang tatlong patalim na hawak ng suspek. “Ang suspek natin ay may tatlong dalang panaga, mayroon sa baywang, mayroon nakasukbit, at inundayan niya nga ng ilang beses 'yung biktima. Sabi nga ng witness, ito ang aggressive, itong suspek natin,” dagdag ni Sabulao.
Sa karagdagang imbestigasyon, natuklasan ng mga pulis na may kriminal na kasaysayan ang suspek. "Nalaman natin na itong suspek natin ay galing na sa kulungan for 25 years dahil sa kasong murder at frustrated murder at kakalaya lang niya noong 2010," sabi ni Sabulao. "Ayaw nga niya gumawa, dahil alam na niya paano mangulungan, pero nagawa niya dahil lagi na lang siya pinaparinggan."
Subalit itinanggi ng suspek na siya ang unang nanaksak. "Siya po 'yung sumugod sa bahay ko. Tsaka marami po ang nakakita siya ang unang sumaksak sa akin nakadepensa lang po ako," pahayag ng suspek.
Nang tanungin tungkol sa mga patalim na narekober sa lugar, inamin ng suspek na isa lang sa mga ito ang kanya. "Kanya po 'yung tatlo, 'yung samurai at stainless," sabi ng suspek.
Aminado rin ang suspek na siya ay paulit-ulit na pinabubully ng biktima kaya napuno siya. "Lagi niya ako binu-bully kapag sa mic, sa videoke, sinasabi niya sarap patayin, siyempre nasasaktan po ako lang naman po 'yung ex-convict dito," dagdag niya.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Rodriguez police at nahaharap sa kasong frustrated murder. Samantalang ang biktima, na nagtamo ng mga sugat mula sa mga saksak, ay nagpapagaling pa sa ospital.
Larawan: Balita MB