PNP, naglabas ng babala sa matinding init para sa mga patrolling officers
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-06 16:09:24
Manila, Philippines – March 6, 2025- Naglabas ng advisory ang Philippine National Police (PNP) para sa mga patrolling officers upang mag-ingat laban sa matinding init, na maaaring magdulot ng heat stroke, atake sa puso, at heat exhaustion.
Inilabas ang paalala matapos maitala ang heat index sa Metro Manila na 46°C noong Lunes at 42°C noong Martes.
Binigyang-diin ni PNP spokesperson at Central Luzon Director Brigadier General Jean Fajardo ang kahalagahan ng pananatiling hydrated at paghahanap ng lilim kung kinakailangan.
"If your job is a patrol officer and your duty is 12 hours, you don’t have to go there for 12 hours in the heat. You can also take shelter from time to time," aniya.
Samantala, pinag-aaralan din ng PNP Highway Patrol Group (HPG) ang muling paggamit ng short pants para sa kanilang mga opisyal upang mabawasan ang epekto ng init.
Ayon kay HPG spokesperson Police Lt. Nadame Malang, kasalukuyang nire-review ang opsyong ito upang matiyak ang ginhawa ng mga pulis habang naka-duty.
"We are evaluating if this will be approved by higher headquarters," aniya. Sa ngayon, tanging sublimation uniforms na mas presko ang aprubado para sa mga pulis.
Bukod sa advisory ng PNP, muling ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang taunang "heat stroke break" policy para sa mga field personnel, partikular sa traffic enforcers at street sweepers.
Ang patakarang ito, na nagsimula noong Marso 3 at tatagal hanggang Mayo 31, ay nagpapahintulot sa mga on-duty personnel na magkaroon ng 30-minutong pahinga upang uminom ng tubig, humanap ng lilim, at umiwas sa heat stroke.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, "We acknowledge the challenges being faced by our traffic enforcers and street sweepers who diligently work in the heat to fulfill their duties and responsibilities; their well-being is crucial and this initiative seeks to mitigate health-related illnesses among them, especially with the sudden rise in the heat index in Metro Manila."
Magkakaroon ng alternate break schedules upang matiyak na mananatiling visible ang MMDA enforcers sa lansangan.
Samantala, pinaalalahanan ni Brig. Gen. Jean Fajardo ang mga pulis na tiyaking may sapat na tubig para sa rehydration at gumamit ng heat-resistant items tulad ng sunblock.
"If the duty of the patrol officers is 12 hours, it does not mean that they should be under the heat of the sun at all times. They could go to shaded areas from time to time to rest," muling paalala ni Fajardo.
Layunin ng mga advisory at patakarang ito na maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga pulis at field personnel habang nakararanas ng matinding init sa Metro Manila.
Photo Courtesy of Philippine News Agency
