Diskurso PH
Translate the website into your language:

Right-of-Way Act (RA 10752): Mga Dapat Malaman ng Landowners at Contractors

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-03-22 16:04:55 Right-of-Way Act (RA 10752): Mga Dapat Malaman ng Landowners at Contractors

Importante ang mga infrastructure project — tulad ng mga kalsada, tulay, railway, at paliparan — para sa pag-unlad ng bansa. Pero bago maitayo ang mga ito, may malaking usapin: paano kukunin ang lupang pagdadaanan ng proyekto? Para hindi maantala ang mga proyekto at maprotektahan ang karapatan ng mga may-ari ng lupa, isinabatas noong March 2016 ang Right-of-Way Act o Republic Act No. 10752.

Ano ang Right-of-Way Act (RA 10752)?

Ang batas na ito ay nagbibigay ng malinaw na proseso sa pagkuha ng pribadong lupa para sa mga national government projects. Ipinapadali nito ang usapan sa pagitan ng gobyerno at landowners, para maiwasan ang matagal na negosasyon at legal na gusot na nakakapagpa-delay sa mga proyekto.

Paano ito Naisasagawa?

May dalawang paraan ang gobyerno para makuha ang lupa:

• Negotiation: Magbibigay ang gobyerno ng alok na bayad base sa current market value, gamit ang appraisal na aprubado ng COA.

• Expropriation: Kapag hindi nagkasundo, puwede nang magsampa ng kaso sa korte ang gobyerno para makuha ang lupa para sa proyekto.

Paano ang Bayad sa Landowners?

Sinisiguro ng batas na makakakuha ng patas at tamang bayad ang landowners na kinabibilangan ng:

• Market value ng lupa

• Halaga ng mga imprastraktura o istruktura sa lupa

• Bayad sa mga pananim o puno na matatamaan

• Disturbance compensation para sa kabuhayan na maaapektuhan

• Relocation assistance, kung kinakailangan

Bukod dito, may advance payment na 50% ng halaga para hindi maipit sa gastusan ang may-ari habang ginagawa ang proyekto.

Para Saan Ito sa mga Contractors?

Malaki ang tulong ng RA 10752 sa mga kontratista dahil hindi na sila madedelay sa proyekto dahil sa right-of-way issues. Malinaw ang proseso at may deadlines, kaya mas maayos at tuloy-tuloy ang mga proyekto.

Bakit Mahalaga Ito?

Sa dami ng infrastructure projects sa Pilipinas, mula sa roads, bridges, hanggang airports, kailangang mabilis at maayos ang proseso ng pagkuha ng lupa. Kung walang malinaw na batas, maraming proyekto ang tatagal o hihinto. Kaya ang RA 10752 ay nagbibigay balanse sa mabilis na development at karapatan ng landowners.

Larawan mula sa Pixabay