Lolo, binaril ang nobyo ng apo nang mapagkamalang magnanakaw
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-04 19:50:58
ABRIL 4, 2025 — Nagresulta sa pagkamatay ang pagbaril ng isang 83 anyos na lalaki sa nobyo ng kanyang apo matapos itong akalaing magnanakaw. Nangyari ang trahedya noong madaling-araw ng Miyerkules, Abril 2, sa Valencia, Negros Oriental.
Ayon sa pulisya, nasa bahay ng kanyang nobya ang biktimang 36 anyos nang magtungo sila mula sa sala papunta sa kwarto kung saan natutulog ang matanda. Nagulat umano ang lolo nang may biglang pumasok, kaya agad niyang hinablot ang kanyang baril at pinaputok. Ang akala niya ay may pumasok na magnanakaw.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek at hinaharap ang mga kasong murder at illegal possession of firearm. Tumanggi namang magkomento ang pamilya nito, dahil sa unstable na kalagayan ng matanda matapos ang insidente.
Samantala, iginiit ng mga naulilang kamag-anak na hindi magnanakaw ang biktima.
“Sino na ang bubuhay sa akin ngayon? Pinatay n’yo ang apo ko. Wala na akong magagawa. Wala silang awa,” iyak ni Timotea Balolong, lola ng biktima, sa kanilang vernacular.
Pinagtanggol naman ni Jeoffrey Pioneta, kapatid ng biktima, ang reputasyon nito. “Kahit kanino ka magtanong dito sa barangay, pati kapitan, wala siyang record na nagnakaw,” giit niya, sa kanilang vernacular.
(Larawan: Freepik)